Advertisers

Advertisers

HINDI IMPOSIBLE

0 2,881

Advertisers

HINDI matatawaran ang kakayanan ng Pinoy kung information technology ang pag-uusapan. Tinitingala ang Pinoy maging sa ibang bansa sa husay sa paggamit ng computer. Sa nagdaang panahon nariyan ang isang estudyante ng isang computer school sa bansa ang nagbigay ng sakit ng ulo sa National Security ng Estados Unidos ng pinasok ng gawang virus na “Love Virus” ang computer system na sumira sa mahahalagang datos hinggil sa seguridad ng bansa. Walang masamang hangarin ang mag-aaral kung hindi ang makapagpasa ng proyekto sa klase ng makapasa at makatapos sa pag-aaral. Subalit iba ang dating ng nilikhang Love Virus sa ibang tao o institusyon higit sa seguridad ng nasabing bansa. At nang mabatid ang pinagmulan at layon ng “love virus” nakahinga ng maluwag ang security council ng Estados Unidos. Kinausap ang mag-aaral na lumikha ng virus at tumigil ang pagdami ng pesteng love virus sa computer na nagtiyak nawala sa panganib ang seguridad ng nasabing bansa.

Sa isang pelikula, muling ipinakita ang kakaibang husay ng isang batang walang muwang na naglalaro ng computer game. Sa dalas ng paglalaro, naging bihasa ang bata na malalampasan ang mabibigat na antas ng laro at inaabot maging ang sikreto sa seguridad ng bansa. Nang mabatid ng mga eksperto na tila nabuksan o nabasa ng naglalaro ang maseselang impormasyon, walang sinayang na sandali ang mga tauhan ng pamahalaan ng bansa at pinuntahan ang taong nakaalam ng maseselang na impormasyon ng seguridad ng bansa, isang bata. Walang oras na sinayang inimbitahan at isinailalim sa mga pagtatanong ang bata na kung paano nakarating sa antas na may mahalagang datos. Tulad ng nasa itaas, walang malisya narating o nakarating sa antas na maselan sa seguridad ng bansa. Dahil nalaman sa kung sino ang nakabasa o nakarating sa antas na maselan, binago at ginawang sopistikadong ang impormasyon ng ‘di maulit o mapasok ang maselan na website.

Sa paglalarawan mabigat ang tunguhin sa larangan ng info tech higit ang mga bansang tulad ng Pinas na hindi buo ang paghahanda sa info tech. Masasabing may kagalingan, ngunit ‘di sapat ito kung walang suportang ihahain ang pamahalaan. Sa totoo lang, hilaw ang paghahanda ng bansa sa info tech kahit may batas na nabuo hinggil dito. Ang masakit tingnan ang pagrerehistro ng “SIM Card” sa halip na imprastraktura ng paggamit. Walang usapan kung paano mapapalakas ang sistema ng info tech sa bansa. At tila tuod ang pamahalaan na naghihintay sa galaw na gagawin ng pribadong sektor sa usaping ito. Malamya ng antisipasyon sa kung ano ang magiging senaryo sa hinaharap kung bumagsak ang sistemang inilatag. O’ larawan ng kawalang interes sa sistema ng info tech at kawalan ng pagkakakitaan, tanong lang?



Sa kabilang dako, malayo ang sistema ng info tech sa pamahalaan kumpara sa pribadong sektor, higit sa larangan ng pagbabangko. Karamihan sa mga bagong propesyunal sa bansa higit sa mga nasa pangunahing siyudad, ang gumagamit ng “on line” banking. Karaniwan sa mga Pinoy ang pagpindot sa cellphone kahit nasaan upang gawin ang transaksyon. Pansin ni Mang Juan kahit ang mga anak nito’y napapadalas ang pagbili ng mga bagay-bagay gamit ang cellphone na mababatid na lang kung kumatok na ang taga pagdala sa pintuan. Nariyan ang pagbabayad ng buwanang bayarin, tulad ng ilaw, tubig at WIFI gamit ang gadget. Sa totoo lang, ginagawa ang harapang transaksyon kung huli sa pagbabayad dahil sa ‘di sapat ang pondo sa “ATM o credit card”.

Maganda ang larawan ng IT sa bansa kung nakasabay ang pamahalaan sa pribadong sektor sa bilis ng pag-asenso. Sa pagkakatatag ng Department of Info Communication Technology (DICT) nagkaroon ng pag-asa na umuusad ang kakayanan ng pamahalaan sa larangan ng IT. Subalit nabansot ang info tech ng pamahalaan sa kawalan ng tamang suporta sa programa. Dahil sa ‘di tamang suporta sa IT, na ransomware ang computer system ng PHILHEALTH. Sa pangyayari, nalantad ang kahinaan ng IT system ng nabangit na ahensya. At naglabasan ang mga tanong hinggil sa tala at kontribusyon ng miyembro, maging ng mga pagamutan. Sa totoo pa rin, hindi batid sino o saan ang mga salarin. Ang malinaw hindi napaghandaan ang insidente na naglagay sa alanganin sa ahensya. Dahil huli na ng malaman ang insidente, sakit sa ulo ang inabot ni Mang Juan. Paano magagamit ang serbisyong kalusugan ng ahensya? At sa DICT, kahit sa maliit na kilos, mahalaga ang maging alerto higit taong bayan ang apektado. Kailangang gumalaw ng ‘di pumanaw..

Sa totoo lang, mahina o pabaya ang pamahalaan higit ang PHILHEALTH at DICT sa pangyayari na naglagay muli sa una ahensya sa kontrobersya. Hindi biro ang pangyayari sa ngalan ng health insurance ng mga Pinoy higit sa mga walang kakayanan na magpatingin sa mga mamahaling pagamutan at doktor. Ikinalungkot ni Mang Juan ng malaman ang pangyayaring ransomware sa computer data ng Philhealth dahil ma-apektuhan ang pagpapatingin sa karamdaman. Ang masakit tila tahimik ang ahensya sa kaganapan at walang pagpapayo kung anong gagawin ng mga kasapi kung magpapagamot o maospital.

Sadyang masalimuot ang usapin ng IT sa pamahalaan sa kawalan ng interes ng mga nakaupo. Bansot at wala sa pangunahing agenda ng pamahalaan ang IT, higit sa pagpigil sa krimen na may kinalaman sa paggamit ang computer. Napag-iwanan ang pamahalaan sa larangan at usapin ng computer / IT kumpara sa pribadong sektor. Sa totoo lang, ganap ang paglalaan ng pondo ang pribadong sektor sa pagpapabilis ng transaksyon ng makasabay sa nagaganap sa mundo ng teknolohiya. Pansin ni Mang Juan, maging sa paliparan ng bansa’y huli sa mga gamit teknolohiya na nagpapabagal sa lipad ng mga eroplano. At ‘di malaman kung paano magagamit ang benepisyo ng PHILHEALTH kung magkaroon ng karamdaman.

Sa huli, mainam ang sumabay sa rebolusyon ng IT ang bansa higit ang pamahalaan subalit huwag haluan ng pansariling layon. Sa galing ng mga Pinoy sa IT, malayo ang mararating ng bansa kung tutuon ng tamang pondo ang programa sa IT. Sa kabatiran ng nakararami mapanlikha ang Pinoy sa mga bagay na kinagigiliwan nito. Sa totoo lang, yakang-yaka ng mga anak ni Mang Juan ang paghawak sa info tech ng bansa at pamahalaan. Sa tamang direksyon tatahakin at pagsasantabi ng pansariling interes, walang hindi imposible kahit elepante sasayaw sa aspile.



Maraming Salamat po!!!