Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA panayam ni Ogie Diaz kay Yeng Constantino, nagbalik-tanaw ang singer sa kanyang hirap na pinagdaanan bago pa siya nanalo sa PBB at naging matagumpay na singer-composer.
Sa edad na 14 daw ay nagtatrabaho na siya.
Hirit pa niya, kailangang pekein pa nga raw niya ang kanyang edad noon para matanggap.
Kumakanta raw siya noon sa gigs kung saan P250 lamang ang kita niya kada gabi.
Hindi rin daw naman siya nanggaling sa nakaririwasang pamilya.
Katunayan, napakalaki raw ng sakripisyo ng kanyang ina para maitaguyod sila.
Lahat daw ng trabaho ay pinasok ng kanyang nanay para mabuhay silang magkakapatid.
Sa murang edad ay naging pasan na rin daw niya ang mga suliranin ng mga magulang.
Bagama’t hindi naman na ito mangyayari muli, aminado siyang ayaw na niyang maranasan ang masaklap na bahagi na iyon ng kanilang kahirapan.
“Siguro traumatic po talaga ‘yung childhood na ‘yun… Ang hirap maging mahirap, mahirap po talaga. ‘Yung naririnig mo ‘yung nanay mo na namomroblema. Tapos baon ‘yung tatay mo sa utang. Ayaw ko talaga ‘nun e. Ayaw kong mangyari ‘yun, sa a akin o sa magiging anak ko. Fear ko talaga. Gusto kong maging responsableng adult. Gusto kong makatakas, ‘yun yung word e,” aniya.
Gayunpaman, hindi raw naman niya itinatatwa ang kanyang pinagmulan.
“Pero hindi naman po ako ‘yung parang ungrateful sa mga nangyari, sa mga naranasan ko sa buhay ko ‘nung bata ako. Actually grateful ako. May mga part na nakakatakot. Takot hindi galit”, aniya. “More on fear lang dahil naranasan mong mamroblema para sa magulang mo. Kasi ginawa naman ng magulang ko ‘yung lahat ng makakaya nila. Alam ko ‘yun e,” pahayag niya.
Inamin din niya na takot siyang mag-anak dahil feeling niya ay hindi pa siya ready na maging nanay.
Nilinaw din niya na maganda ang naging paghihiwalay nila ng mga executives ng Star Music nang hingin niya sa mga ito ang pagmamay-ari ng kanyang mga awitin.
Sa ngayon, masaya si Yeng dahil naipagpundar na niya ng farm ang kanyang tatay.
***
SA panayam kay Maricel Soriano sa vlog ni Isko Moreno, inamin ng Diamond Star na hindi niya pinapanood ang seryeng FPJ’s Batang Quiapo na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Naitanong kasi ito ni Yorme dahil aware ang dating Manila City mayor na ang magaling na aktres ang orihinal na nakasama ng namayapang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. sa film version nito.
Aniya:” Ay wala akong masasabi kasi hindi ko siya pinapanood!”
Dagdag pa niya, wala raw siyang intensyon na iboykot si Coco maliban na lamang sa hindi talaga siya nanonood ng TV.
“Hindi ako nanonood ng TV, sa totoo lang,” bulalas niya.
Dahil dito, wala rin daw siya sa posisyon na ikumpara ang TV remake sa pelikulang pinagbidahan niya sa bersyon ni Coco.
Sa nasabing vlog, sinabi rin niya na hindi raw siya pumapatol sa bashers.
Una-una, pag-aaksaya lang daw ito ng oras para sa kanya.
Ikalawa, hindi rin daw niya kinukumpronta ang taong hindi niya kilala.
“Bakit kilala ko ba sila? Why will I give them the satisfaction na patulan sila?,” mataray niyang pahayag.