Advertisers

Advertisers

RETORIKA

0 349

Advertisers

MARAMING kaluluwa ang tumataghoy sa kasalukuyan hindi dahil malapit na ang Undas kundi naghahanap pa rin ang kani-kaniklang pamilya ng hustisya sa biglaang pagkakawalay sa mahal sa buhay. Biktima sila ng maraming pagkakataon, nariyan ang karalitaan na nagtulak sa kanila na mamalagi at lumaki sa kalye.

Ang pakikipagpatintero sa mga sasakyan ang kanilang pangkaraniwang gawain upang makahanap ng isusubo upang mabuhay. Pangalawa, ang hindi natanawang mga aklat na nagdulot sa kanila na mag-aral sa sariling sikap gamit ang karanasan bilang guro.

Pangatlo, kamag-aral ang bawat batang dudungaw sa kotse na kanilang hinihingian o nililimusan. At pansin ang malayong pagkakaiba ng suot at itsura. At hindi man huli, makikita mo kung sinong tao ang may dala dito na hindi malaman kung ano ang gagawin o ipagagawa sa kanila.



Kapagdaka’y, makikita mong nakahandusay sa kalyeng laruan na walang malay at iniiyakan. Ito ang mga kaluluwang umiiyak at naghahanap ng hustisya sa pamahalaang inihalal ng tulad nilang nabola ng mga pangako noong nagdaang halalang pang panguluhan. Ito ang retorika ng laban sa droga.

Sa panahon ng pandemya, tila pipi at nagulat na lamang si Totoy Kulambo at ang kanyang pamahalaan na wala sa wisyo ang kilos at ang madaliang solusyon ay ang pagdedeklara ng ECQ. Dito pinalabas ang mga pulis at sundalo upang tauhan o bantayan ang mga inilagay na mga check-point na dadaanan ng mga taong kanilang sisitahin.

Masugid ang mga naka-unipormeng tagasita na kasama na rin ang oplan pakilala. Subalit ito’y nanatili sa ganoong gawa dahil wala namang ambag ito sa pagpuksa ng pandemya at dagdag pang problema. Sa inilatag na ayuda, naging usapin pa ito ng kakilala at kampihan.

Dahil hindi usapin pangkalusugan ang inilatag na solusyon kaya’t hangang sa kasalukuyan hindi maalis ang deklarasyon ng quarantine. Sabi nga ng mga militante, palyatibo ang inilatag na solusyon at ‘di pang matagalan. Samantalang isa ang kalusugan sa mga binitiwang pangako ni Totoy Kulambo na bibigyan pansin ng kanyang pamahalaan. Asan na, asa pa ba?

Umusal na naman sa bibig ni Totoy Kulambo ang isang retorikang walang laman na balewala kay Juan Pasan Krus, ang laban sa korapsyon. Taon-taon itong nagagalit sa mga mandurugas sa pamahalaan ngunit apat na taon na mahigit puro bantang laway lamang.



Nariyan ang mga tauhan na gumawa ng kabalastugan at ang madalas gawin ay ang balasahin na parang baraha na siya ring paglalaruan upang magpatuloy ang kasiyahan. At sa pagbalasa napunta sa tahimik na ahensya na marami at patuloy ang ligaya sa perang ‘di kanila. Asa pa ba?

Hindi pa kasama dito ang bilyon-bilyong piso anomalya sa PhilHealth na talaga naman nakapanginig ng laman dahil matagal ng alam na may mafia daw dito. At parang taun- taon itong nagpapalit ng presidente subalit tila nakisayaw sa musika sa bilyon bilyong kita.

May nakasuhan ba? Wala.

Pero may mga na-promote at namunini sa matubig na balon ng ahensya. At talagang nakakapagtaka kung bakit walang nahuli samantalang alam na merong mafia. Bakit?

Sa kasalukuyang retorika ni Totoy Kulambo, inutusan nito ang DOJ na gumawa ng malawakang pag-iimbistiga sa lahat ng sangay ng pamahalaan. Pero dedma lang si Juan Pasan Krus sa mga walang laman na pahayag?

Sa pahayag na ito ni Totoy Kulambo, parang nagkibit lang si Mang Juan dahil alam niyang moro-moro lang ito at pa-pogi lamang talaga.

Sa kabilang banda, matindi ang pangambang nararamdaman ng mga obrerong nasa pamahalaan. Nangangamba sila na baka sila ang gawing accomplishment ng DOJ upang masabi na ginawa nila ang lahat upang madala sa harap ng hustisya ang mga obrerong nakinabang sa mga nakuhang lapis, papel, at ballpen na kailangan ng anak sa eskwela dahil kapos ang pambili.

Kinakabahan din ang mga obrerong dinaanan ng mga transaksyon na sila ang maging scape-goat ng mga among tunay na nakinabang. Hindi sila makaayaw dahil kasama ito sa kanilang mga job description, ang magproseso ng mga papeles ng among walang aasahan. Marami na sa mga obrerong ito ang nahuli, natangal, nasuspinde at nakasuhan, subalit ang kababayan at kakampi’y patuloy sa pagtamasa ng pera ng taong bayan.

Sa ganitong kalagayan ang lumuha na lang ang magagawa ng mga na biktimang mga obrero.. Sa DOJ, umaasa ang batingaw na ang lalim ng pagsisiyasat ang malalambat ay ang tunay na may sala at ang malalaking isda at hindi ang mga obrero na siyang sumasalo ng sala.

Sa retorikang ng korapsyon at pag-iimbistiga , tila nakalimutan ni Totoy Kulambo na may mga sangay ng pamahalaan na talagang nakatutok dito at ito ang trabaho. Ngunit parang nawala sa isip ni TK ang mga ito at ang DOJ pa ang inatasan upang gawin ang imbestigasyon.

O’ talagang sinadya ito upang masigurong mapagtatakpan ang mga kaalyadong dawit sa kurapsyon at hindi na umabot sa puno ng Balite sa Malacanang. Nagtatanong lang po.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com