Advertisers
Nakumpiska ng mga hindi unipormadong mga pulis ang isang M16 rifle at mga bala mula sa dalawang matagal ng minamanmanang illegal gun dealers na na-entrap sa Cotabato City nitong hapon ng Miyerkules, October 4, 2023.
Kinilala ang dalawang suspects na sina Razul Compania at Eddie Wong.
Inaresto ang mga suspek ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region nang bentahan sila ng M16 rifle, my serial numbers 9752193, sa isang lugar sa PC Hill sa Barangay Rosary Heights 1 dito sa lungsod.
Mismong ang director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, si Brig. Gen. Allan Nobleza, ang nagkumpirma nitong Huwebes ng pagkakaaresto sa dalawa, nasa kustodiya na ng CIDG-BAR, lilitisin sa paglabag ng Republic Act 10591 na nagbabawal sa pagbebenta at pag-iingat ng ano mang uri ng baril at mga pampasabog na walang pahintulot mula sa Philippine National Police.
Ayon kay Nobleza, ikinasa ng mga kasapi ng Regional Field Unit ng CIDG-BAR at ng mga operatiba nito sa probinsya ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte ang entrapment operation ng makatanggap ng ulat mula sa mga kakilala nila Compania at Wong hinggil sa kanilang illegal na pagbebenta ng mga baril.
Katuwang ng CIDG-BAR ang Cotabato City Police Office sa entrapment operation na nag-resulta sa pagkaka-aresto kina Compania at Wong.