Advertisers
OKTUBRE 7, 2023 – ang grupong Hamas ay gumagawa ng malawakang military operation sa loob ng teritoryo ng Israel. Matapos magpalipad ng libu-libong missiles sinalakay sa lupa, dagat at himpapawid ang Israel gamit ang mga paraglider. Nakapasok ang Hamas sa malalim sa teritoryo ng Israel. Pinasok ng mga mandirigmang Hamas ang mga bahay at walang habas na pinagpapatay ang mga nakatira dito. Umaabot na sa 1,300 ang napatay ng Hamas at maaari pang tumaas ang bilang nito. Wala silang pinatawad bata man o matanda. Dahil sa ipinakita nilang kalupitan, nagbago ang pananaw ng marami, maging ang mga kritiko ng karahasan ng Israel sa mga Palestino. Kasama ang inyong abang lingkod dito. Dahil sa ginawa nila inihambing ang Hamas sa Daesh o Islamic State, o Isil, na nakilala sa ganitong uri ng kalupitan, at sa kalaunan ay nilipol.
Didiretsahin ko po kayo. Maaaring umubra ito noong panahon ng mga barbaro. Ngunit nagbago na ang panahon at sa ngayon, umiiral na ang batas at orden. Hindi uubra ang ganitong uri ng patakaran. Ninais ng Daesh na ipairal ang kanilang nihilismo. Nais nilang burahin ang sibilisasyon na ating kinagisnan sa mapa at itatag ang kanilang caliphate kung saan sila ang mga panginoon. Halos pareho sa gusto ng Hamas. Ang lipulin ang lahat ng Hudyo at burahin ang Israel sa mapa. Subalit pinatunayan ng Israel na hindi mangyayari ito. Sampu ng lipunang umaayaw sa karahasan. Hudyo man o Muslim. Ang karahasan ay kasamaan. Ito ay dapat tutulan, at kailanman hindi ito dapat ang mangibabaw ang kasamaan.
Ipinakita ng Hamas na ang intensyon nila ay masama. Patunay na dapat sila ang mabura sa mapa. Nakikiramay ang inyong abang lingkod sa pagkamatay ng dalawang Pilipino sa kamay ng Hamas. Sila si Angelyn Peralta Aguirre 33 taong gulang na caregiver at tubong Pangasinan, at Paul Vincent Castelvi 42 na taong gulang na tubong Pampanga. Isa pang Pinay caregiver si Loreta Villarin Alacre 49 tubong Cadiz City ang nasawi matapos dumalo sa isang rave party malapit sa Gaza. Ang rave party na tinutukoy ko ay isa sa unang sinalakay ng Hamas. Tatlo pang Pilipino ang hindi matagpuan, at pinapanalangin ng abang kolumnistang ito ang kaligtasan nila. Ang tanging naging kasalanan nila Angelyn at Paul Vincent ay hindi iniwan ang inaalagaan nila. Ipinakita ninyo ang pagiging dakila at pagiging bayani. Pumupugay ang inyong abang lingkod, sampu ng lahat ng tumututol sa karahasan.
***
“Kung sino man ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan…” Ito ang balbal na tugon ni Sara Duterte matapos siya pinukol ng umaatikabong kritisismo tungkol sa minumungkahing “confidential funds” na hinihingi niya para sa OVP. Nagmistulang engrandeng pintakasi ang resulta, kung saan kinuwestion ang layunin ng pangalawang pangulo sa paghingi niya ng napakalaking budget sa “confidential funds”. Ayon kay SWOH ito ay para gamitin sa “surveillance” at iba pang bagay na ukol sa “intelligence gathering.”
“Intelligence gathering?!?” Agad na pinutakti ng batikos si Inday na nagmula sa mga kumakatawan sa oposisyon, maging sa Kamara man o Senadon, kung saan nandun si Senador Risa Hontiveros, isa sa pinakamasidhing kritiko ng “confidential funds, at si Frances Castro sa Mababang Kapulungan. Marami din ang sumaklolo lumulubog na barko ni SWOH, katulad ni Stella Quimbo at senador Ronald “Bato” De La Rosa, na, nagparang pumulot ng bato na ipupukpok sa masabaw niyang kukote sa pagmungkahi na ilipat lang “confidential funds sa Department Of Foreign Affairs. Nang tanungin si Kalihim Enrique Manalo ng DFA, maliwanag ang sagot niya: “No, WE ARE NOT ASKING…”
Ayon kay dating mahistrado Antonio Carpio: “Those who cannot fully account for confidential funds as mandated by the Constitution cannot be trusted by the Filipino people…” Para sa akin, ang pinakamagandang tugon sa sinabi ni SWOH ay nagmula kay Heidi Mendoza, dating commissioner ng Commission on Audit: “excuse me po! We do not undermine funds, we seek to enhance transparency. On the other hand, pwede din po natin sabihin… Corruption is violence, therefore fighting corruption is working for peace…” Tanggapin mo na Inday na walang tiwala ang madla sa iyo. Kung akala mo uubra pa rin ang bulok na style na pinairal ng serial killer mong ama na nagawa pang bantaan ang isang mambabatas. Pasensyahan po tayo. Nabili na yan. At dahil sa pagbabanta ng baliw na ama mo mahaharap siya sa asunto hamag ka.
***
Mga Harbat Sa Lambat: “Ngayon, nag-iiba ang hugis ng budget para sa taong 2024 at masayang masaya ako dahil yung mga tinuturing na confidential ay lumilitaw na sa liwanag na kung saan dapat siya, at mas tamang gamitin. So, ewan ko kung masaya siya, pero ako? Masayang-masaya ako…” – Senador Risa Hontiveros (tungkol sa realignment ng ng panukalang confidential funds sa 2024 national budget)
” Sa aking sapantaha, wala nang mas higit na makasining kaysa pagmamahal sa kapwa…” – Vincent Van Gogh
“Kung may Confidential Fund malamang may Confidential Bank Account yan…” -Porte Zosimo, siklista, netisen, kritiko
***
Wika-Alamin:
SUKAY: Ang kahulugan ay ” halukay” o paghalo ng masinsinan. Ang salitang SUKAY ay malimit gamitin sa Timog Katagalugan partikular sa gawing Batangas. Kapag ginamit ito sa salita: “Kinakailangan ang pag-SUKAY upang maghalong mauti ang lahat ng sangkap ng niluluto…”
***
Tuldukan natin ang isyung ito sa pamamagitan ng tulang likha ni Fr. Bert Alejo, isang Hesuitang makata na taga-Obando:
TAGAGISING
Kapag ang araw ay sumungaw
Titindig siya at tatanaw…
Sarili niya ay gigisingin
Bago iba ay pukawin…
Aba!… at may sumasabay…
Dumadagok at sumisigaw!
Hindi lahat pala’y himbing…
‘Kay rami na ngayo’y gising!…
***
Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian…
***
mackoyv@gmail.com