Advertisers

Advertisers

Gov. Tan at Col. Monte, binalahura ni Richard!

0 1,042

Advertisers

MATAPOS na ipag-utos ni Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte ang ganap na paglilinis sa lalawigan laban sa mapamerwisyong operasyon ng ilegalistang sangkot sa oil and petroleum pilferage o paihi/buriki at illegal vices ay natuwa ang mga mamamayan ng bahaging ito ng rehiyon ng Timog Katagalugan na CALABARZON.

Ang hakbang na ito ni PD Monte ay bilang pagtalima sa utos ni Quezon Provincial Governor Angelina “Helen” Tan na sugpuin ang malaganap na nakawan ng produktong petrolyo na apektado ang mga hauler at trucking operator ng sindikatong naglulungga sa ibat ibang bahagi ng lalawigan.

Kasama ding iniatas ni Gov. Tan na sawatain ang operasyon ng ilegal na pasugal tulad ng Small Town Lottery (STL) con-juteneg, pergalan (perya at sugalan) na tulad din ng paihi ay parang ligal na pinatatakbo ng mga grupong kriminal at mistulang pader ang operasyon sanhi ng proteksyon ng ilang tiwaling opisyales at miyembro ng kapulisan o government official kabilang na ang mga local government unit (LGU).



Kasabay ng pagpapasara ng mga itinuturong santuaryo ng paihi o buriki, STL con-jueteng o bookies, pergalan at iba pang uri ng sugal may ilang buwan na ang nakararaan ay nagbabala si Col. Monte sa lahat nang nagbabalak na magtayo ng labag sa batas na mga gawain sa kanyang hurisdiksyon na hindi sila sasantuhin pagkat walang puwang sa lalawigan ng Quezon ang mga ilegalista.

Halos lahat na police chief ay tumalima sa magkaisang utos nina Gobernador Tan at Col. Monte. Nalinis ang mga siyudad at bayan ng naturang lalawigan sa paihi o buriki operation na itinuturing na “economic sabotage” sa gitna ng namamayaning krisis sa pandaigdigang industriya ng petrolyo.

Ang bisyong pagsusugal na kalimitan ugat ng pagkawasak ng pamilya at pagbaba ng moralidad ng mga Quezonian ay nalimitahan na din kundi man ganap na nasugpo ng pamunuan ni Col. Monte.

Ngunit sa gitna ng mainit na kampanya ng gobernadora at ni Col. Monte sa pakikipagtulungan ng matatapat sa tungkulin nitong mga hepe ng kapulisan, ay may isang Richard na nagpapakilalang miyembro ng Quezon Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang hayagang sumuway sa patakarang paglilinis ng mga ilegal sa naturang lalawigan.

Si Richard ang naging daan upang muling magbukas ang operasyon ng tatlong paihian o burikian sa Quezon. Ang mga ito ay ang pinatatakbo ng isang Amigo at isang Topher, na kapwa nagmamantine ng magkahiwalay na paihian o burikian ng krudo, gasolina, mantika at iba pang ninanakaw na produkto sa kanilang mga hide out sa Brgy. Malabanban Sur, sa munisipalidad ni Mayor Ogie Wagan.



Imposible naman yatang hindi nakakarating sa kaalaman ni Candelaria Police Chief LtCol. Bryan Merino ang mga katarantaduhang ito ng drug pusher ding sina Amigo at Topher na liban sa pagnanakaw ay ginagawang sideline pa ang pagtutulak ng shabu sa kanilang kuta.

Suking buyer ng shabu nina Amigo at Topher ay ang mga kakutsaba nilang mga magnanakaw na tanker truck driver at helper.

Ang isa pang lungga ng buriki ay nasa Brgy. San Luis, na ino-operate nina Sammy sa munisipalidad ni Guinyangan Mayor Maria Marieden Isaac. Bagama’t “nasa tungki lamang ito ilong” ng kapulisan, wala namang aksyon laban dito si Guinyangan Police Chief Major Lindley Tibuc?

Malakas ang loob nina Amigo, Topher at Sammy pagkat tinitiyak ni Richard na siya ang bahalang umayos sa mga problema ng mga naturang ilegalista sakaling magkaroon ng bulilyaso sa kanilang operasyon kapalit ng lingguhang libu-libong intelhenciang suhol na kanyang inihahatag sa opisina ng CIDG at Quezon Provincial Police.

Binigyan din ni Richard ng “go signal” upang tuloy-tuloy ang operasyon ng mga pergalistang sina Otso sa bayan ng Real, Rommel at Mariz na kapwa nakapag-pwesto naman ng mga pasugalan sa bayan ng Dolores at iba pa.

Ang mga STL con-jueteng o bookies operator na binasbasan din ni Richard upang makapag-operate nang pulido at walang huli ng kapulisan ay sina Pando ng Catanauan at Sariaya; Boss Ejay sa bayan din ng Sariaya; Raymar na nag-ooperate sa mga bayan ng Tagkawayan at Isla at Banong na kumikilos kapwa sa mga munisipalidad ng General Nakar at Tiaong.

Dahil dito ay tuluyang nabalewala, nabalahura ang pagsisikap nina Gov. Tan at Col. Monte na paglilinis laban sa kriminalidad at bisyo sa lalawigan ng Quezon.

Hindi malaman kung papaanong nakakalusot kay Quezon CIDG Provincial Officer LtCol. Fallar ang mga kabalbalang ito ni Richard. Nakakalusot o sadyang pinalulusot? Abangan…

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144