Advertisers
BATO BATO sa langit ang tamaan ‘wag magalit.
Natatawa nalang ako sa mga ‘plataporma de gobyerno’ ng mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gaganapin sa Oktubre 30 (Lunes).
May mga incumbent na nangangakong itutuloy ang pagbabago. Anong pagbabago kaya iyon? Sa tagal nang nakaupo, pagbabago parin? Animal!
Kailan ba huling nagkaroon ng BSKE? Mayo 14, 2018 pa! Ibig sabihin ay limang taon nang nakaupo ang mga nanalo noong 2018, at ang mga na-reelect noong Oktubre 2013 BSKE ay higit 10 years na ngayon, tapos pagbabago parin ang isinisigaw. Hahaha…
May kandidato namang nangangako ng ‘peace and order’. Eh ang pamilya niya di maayos-ayos, ang gulu-gulo. Hehehe…
May nangangako ng patrabaho sa barangay, eh siya itong tambay. Buset!
May nagsasabi na ilalayo sa droga ang kabataan. Eh ilang miyembro ng pamilya nito, sangkot sa droga. Paano ka paniniwalaan ng mga botante nyan? Hehehe…
May mga reelectionist na nangangako ng tapat na serbisyo, gayung nakikita lang sa barangay kapag araw ng bigayan ng honorarium. Paano mo paniniwalaan ito?
Actually, sa barangay lalo sa mga probinsiya ay hindi mo na kailangan mambola ng botante dahil sa simula palang nang isilang ka ay kilala ka na ng iyong mga kabarangay, alam na ang iyong karakas. Kaya kung mabuti kang tao, tiyak ihahalal ka kahit walang singwenta o isandaan. Pramis!
Tandaan: Kapag ang isang kandidatong “loko loko” ay nanalo sa BSKE, ang may problema ay botante. Mantakin mong ibinoto ang kandidatong istambay, magulo ang pamilya at mabisyo! Malaking problema ito.
Anyway, goodluck sa lahat ng kandidato.
Paalala sa mga botante: Gumawa na kayo ng listahan ng inyong mga iboboto para maging madali ang inyong pagboto sa Lunes. God bless sa ating lahat…
***
Nagwawala na si ex-President Digong Duterte, pati ang kanyang anak na mambabatas na si Polong.
Ito’y matapos tanggalan ng P650-million confidential funds ng Kongreso ang tanggapan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte-Carpio.
Actually, hindi lang tanggapan ni VP Sara ang inalisan ng confi-intel funds kundi lahat ng civilian govt. agencies, bunga narin ng pagkontra ng taongbayan. Tama lang!
Hinihikayat ngayon ni Digong ang mga Filipino na ‘wag magbayad ng tax hangga’t hindi raw inilalatag ng Kongreso ang pinaggagastusan nitong ‘extraordinary expenses’ na nagkakahalaga ng bilyones.
Nakalimutan yata ni Digong na ang anak niyang si Polong ay naging chairman ng House Committee on Accounts mula 2020-2022. Hindi yata nag-uusap ang mag-ama eh. Hehehe..