Advertisers
NAGPAHAYAG ng taos-pusong pasasalamat si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa solidong suporta sa mga atletang Pilipino at sa pagbibigay nito ng world-class training venue para sa paghahanda sa mga lokal at internasyonal na kompetisyon.
Ginawa ni Bachmann ang pahayag matapos pangunahan ni PBBM ang pagbibigay ng parangal at insentibo sa mga atletang nakakuha ng medalya sa 19th Asian Games.
Matatandaang nangako ang presidente na mas palalakasin pa ang suporta ng pamahalaan para sa pag-unlad ng isports sa bansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga detalyadong plano at pagtatayo ng mga makabago at modernong pasilidad para sa pagsasanay ng mga manlalaro.
Sinabi ng pangulo na may malalim na impluwensiya ang isports sa pag-unlad ng lipunan.
Samantala, inihayag naman ni Bachmann na kasalukuyan nang nagpapakundisyon ang mga atleta para sa Asian Para-games at sa nagaganap na World Combat Games sa Riyadh, Saudi Arabia, kung saan habang isinusulat ito ay nakapagbulsa na ang mga Pinoy ng isang gintong medalya, isang pilak, at dalawang tanso. (Gilbert Perdez)