Advertisers
TALAGANG hindi kakayanin ni Customs Commissioner (BoC) Bienvenido Rubio kung mag-isa lamang siya, mahihirapan siyang sugpuin at mapatay ang “halimaw” na sindikato ng ismagling.
Kailangan ni Comm. Rubio ng tulong ng bawat isa sa atin dahil hindi namann siya tulad ng superhero sa komiks na hinahangaan natin na kayang masawata at magupo ang mga kalaban agad-agad, pero hindi ito kuwentong Komiks.
Ang realidad: nananatiling malakas ang ismagling sa bansa sa kabila ng maraming mahihigpit na batas na nagpaparusa sa mga ismagler.
Pero iba si Rubio, determinado at buo ang loob e ni hindi man lang siya tinayuan ng isang balahibo upang matakot at itigil ang kampanya kontra sa mga ilegal na gawain sa BoC.
Tunay ang naisin ni Comm. Rubio at ng mga kapwa niya opisyal na masugpo ang ismagling na siyang dahilan ng malaking kawalan sa kabangbayan.
Multi-bilyong piso ang nawawala sa krimeng ito na kung makokolekta, hindi na kailangan pa ang umutang at magpalimos ang bansa natin sa pagbili ng mga modernong gamit at pampalakas ng ating puwersa militar, ngayon na tayo ay nahaharap sa tunay na kalaban: Ang hindi mapigil na pagtatangka ng China na agawin sa atin ang mga pulo ng dagat sa West Philippine Sea (WPS) at iba pang mayayamang mina sa ating karagatan.
Magagawa sana nating mapaunlad ang kabuhayan natin, mas mapatataas ang kalidad ng edukasyon, mas maraming hanapbuhay ang malilikha, anupa at malaking ambag ang bilyon-bilyong na sana ay malilikom kung wala ang ismagling.
***
Paano matutulungan si Rubio at ang mga kasama nila sa pagsasaayos at pagtutuwid ng mga sira-sira at bako-bakong daan sa Aduana?
Marami nang pagkilos, mga bagong tagubilin, mga bagong reporma at mga bagong paraan na ginagamitan pa ng teknolohiya at siyensiya para malabanan ang ismagling at iba pang katiwalian sa BoC.
Pero nagtagumpay ba?
Sa totoo lang po dear readers, hindi naman mahirap labanan ang ismagling kung tutuusin.
Ano ang solusyon: Katapatan sa tungkulin, mahusay na pagsunod sa batas, tibay ng dibdib laban sa tukso ng madaling pagkakamal ng salapi sa “baluktot na paraan.”
Ang tanong: Mayroon ba tayo ng mga ganitong opisyal at kawani ng BoC?
Ang sagot: napakarami nila, pawang matatapat, pawang matitino at nais na tunay na makapagserbisyo nang matapat sa bansa.
***
Ano ang dahilan at hindi tayo nagtatagumpay laban sa katiwalian?
Pagkakaisa ang kulang, pagwawalang-bahala ang naririyan, at ang pagsasabing, nandiyan na yan at hindi na maaari pang mawala.
Mali: magagawa ito, kung si Comm. Rubio at ang maraming matitino at matatapat na mga opisyal at mga kawani ay ating tutulungan.
Ito ang kulang, at dapat, at dapat na mangyari.
Sa kung paanong paraan, sumunod tayo lagi sa batas at itinatakda ng mga regulasyon, at ‘wag kumunsinti ng mga mali.
Matuto tayong sumama sa pagbabago at huwag humadlang sa pagbabago.
Ito na ang simula at makakayang mapatay ang halimaw na ismagling.
***
May kasabihan tayong Pinoy: Binabato ang punong mangga kasi ay maraming masasarap at matatamis na bunga.
Isa pa: Hindi maluwang ang daan patungo sa kabutihan; masikip ito kaya kakaunti ang gusto dito na dumaan.
Angkop at tugma kay Comm. Rubio ang dalawang kasabihang ito.
Noong nagsimula siya na manungkulan at repormahin ang BoC, ano ang sinasabi ng iba: Pustahan kaliwa’t kanan, hindi makakaya ni Rubio yan, dahil ang dami nang gumawa ng nais niyang reporma, wala namang pagbabago.
Tama: kung ang isang pinuno ay walang buto, o sa deretsang salita ay parang ahas tulog — walang kamandag ang mga pangil.
Buo ang loob, matalino, matapang at may bayag si Rubio.
Wanakosey!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.