Advertisers
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin daw naibibigay ang first at second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) sa marami pang barangay sa Maynila partikular na sa 1st at 2nd district na binubuo ng buong Tondo.
Umaasa pa rin ang mga residente dito sa nasabing mga lugar na makakatanggap pa rin sila ng SAP bago man lang matapos ang taong 2020.
Mahigit anim na buwan na raw mula noong Hunyo nang ininterview sila ng mga staff at social worker mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa awa anila ng Diyos ay inaprubahan ng nasabing ahensiya ang kanilang aplikasyon para makakuha ng SAP.
Ilan daw sa kanila ang kuwalipikadong makakuha ng SAP. Hiningi na anila ng mga social worker ang kanilang mga cellphone number na kung saan sila tatawagan o ite-text para malaman kung saan money transfer nila kukunin ang pera, G-cash pa nga daw ito hehehe
Klinaro pa raw sa kanila ng mga taga-DSWD na abangan na lang nila ang txt message mula sa kanilang ahensiya, matagal na raw ang isang linggo at siguradong makukuha na nila ito dahil may allotment na o pondo para dito.
Lumipas ang isa, dalawa, tatlong linggo ay wala pa rin silang natatanggap na text message mula sa DSWD maski man lang hi o hello.
Hanggang sa natapos na ang buwan ng Hunyo, Hulyo, Agosto, Setyembre at Oktubre ay wala pa rin ang inaasam-asam nilang text o abiso mula sa DSWD.
Mukhang pinaasa lang daw sila ng mga ito at ang lahat ng ipinangako sa kanila ay nabaon na sa limot. Saan na nga ba napunta ang kanilang SAP, anyari?
Kung sino pa daw ang nasa klasipikasyon na poorest of the poor at mga yagit na naninirahan sa Tondo at mas higit na nangangailangan ay siya pang natabla at naloko na kesyo meron na daw allotment at pondo para dito, asan na?
Sa paki-wari daw nila ay wala ring pinagkaiba ang mga kawani ng DSWD sa mga corrupt ay magnanakaw na ahensiya ng gobyerno tulad ng Phil-WEALTH, DPWH, BoC, Bureau of Immigration, BIR at Land Registration Authority.
Mantakin niyo nga naman na halos magpi-pitong buwan na silang naghihintay ng wala naman palang hinihintay. Sana nga naman ay hindi na sila pinaasa at pinangakuan dahil masakit din ito sa kanilang situwasyon, di po ba?
Sa datos ng DSWD, lumalabas na nasa 98 porsiyento na ng first at second tranche ng SAP sa buong bansa ang naipamigay na nila, hehehe.
Hindi yata ito kapani-paniwala dahil marami pang mga barangay sa Maynila partikular na ang mga residenteng naninirahan sa Tondo ay wala pang natatanggap kahit na singkong duling, tsk tsk tsk mahabaging Diyos, maawa naman kayo.
Meron naman daw mangilan-ilan na nakatanggap ng kanilang SAP ngunit ito ay nabibilang sa daliri ng ating mga kamay, may kahati pa raw itong mga ito na hindi natin malaman kung sino.
Di ba’t pinahayag na ni Pangulong Duterte na huwag ng pag-tagalin at bigay na agad sa lalong madaling panahon ang pera at anumang bagay na para sa tao, hindi yata nasusunod ang kanyang direktiba.
Nobyembre na ngayon at Disyembre na ang susunod, baka naman bago matapos ang taon 2020 ay bigay na ng DSWD ang inaasam niyong SAP.
Baka surprise at tina-timing lang sa kapaskuhan at bagong taon ang inyong SAP para nga naman happy kayo at inyong pamilya. Harinawa’y magka-totoo at maganap na lang sana lahat ang inaasahan at all cost.