Advertisers
Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulan na bigyan ng hustisya ang higit sa 400 Filipino na naghahanap ng trabaho sa Italy matapos silang mabiktima illegal recruitment at human trafficking.
Agad namang kumilos ang konsulado ng Pilipinas sa Milan at ang Department of Migrant Workers (DMW) upang tulungan ang mga biktima ng illegal recruitment scheme, sinasabing kinasasangkutan ng Alpha Assistenza SRL.
Hinimok ni Go ang DMW at ang Department of Foreign Affairs (DFA) na bigyan ng katarungan ang mga apektadong indibidwal.
Nanawagan din siya sa Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng mahigpit na imbestigasyon sa usapin.
“Kailangan nating siguraduhin na ang bawat Pilipino, nasaan man sa mundo, ay protektado at hindi biktima ng panloloko. Hindi natin papayagan ang ganitong klaseng krimen lalo na kung ang mga OFW na itinuturing pang bagong bayani ang bibiktimahin,” sabi ni Go.
“Mahirap ang mawalay sa sariling pamilya para lang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga anak. Huwag natin hayaan na sa kagustuhan nilang guminhawa ang kanilang buhay ay sila pa ang maloloko ng mga mapangsamantalang mga tao,” giit ng senador.
Binigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng pagtutulungan at transparency sa isasagawang pagsisiyasat.
“Hinihikayat ko ang lahat ng sangkot na maging bukas at makipagtulungan sa imbestigasyon. Ang katotohanan ay dapat magdala ng hustisya sa mga salarin,” idinagdag niya.
Bilang vice chairperson ng Senate committee on migrant workers, sinabi ni Go na handa siyang lumahok sa pagdinig ng Senado hinggil sa isyu ng illegal recruitment kasunod ng resolusyon na inihain ni Senator Raffy Tulfo.
Kailangan aniyang mag-imbestiga upang matiyak na hindi na mauulit ang mga ganitong krimen.
Nanawagan din ang senador ng sama-samang pagsisikap na pangalagaan ang karapatan ng mga manggagawang Pilipino sa buong mundo.
“Hindi tayo titigil hanggang hindi nakakamit ang hustisya para sa kanila,” pagtatapos ni Go.
Samantala, nangako ang gobyerno ng legal aid sa mga Pilipinong nabiktima ng scam sa Italy, habang ang mga abogadong Italyano ay nakatakdang tulungan ang mga biktima sa pagsasampa ng class suit laban sa kumpanya. Nakikipagtulungan din ang DMW sa DOJ para idokumento at imbestigahan ang mga reklamo.
Naaakit umano ang mga biktima na magbayad ng malaking halaga kapalit ng trabaho sa mga hotel at restaurant sa Italy.
Ngunit natuklasan ng maraming biktima na peke ang work permit na ibinigay ng Alpha Assistenza SRL. Nang humingi sila ng refund, binigyan sila ng mga tseke na walang pondo.
Nangako naman ang Alpha Assistenza SRL na makikipagtulungan sa imbestigasyon ng gobyerno. Sasagutin umano nila ang mga paratang sa tamang forum.