Advertisers

Advertisers

PAGKAKAISA AT DISIPLINA ANG SUSI UPANG UMUNLAD ANG BAYAN NI MANG JUAN

0 26

Advertisers

ILANG ULIT ko rin naman pong tinalakay sa pitak na ito dear readers na ang kahalagahan ng pagkakaisa at ang pagkakaroon ng disiplina upang ang anomang mabigat na gawain at pasanin ay magaang na matupad o maisakatuparan ay sa pamamagitan ng paglilinis sa mga siyudad, bayan, at ang pagpapatupad ng mga proyekto at impraestruktura.

Halimbawa sa anyong pisikal sa lungsod ng Maynila, ang paglilinis sa mga di wastong paraan sa paglilingkod sa madlang kalungsod ng nabanggit na siyudad at ang pagtataguyod sa lantad at hayag na mga gawain at transaksiyon sa cityhall.

Ang pagbibigay ng insentibo sa matitinong kawani at opisyal ng pamahalaan at sa pagdidisiplina sa mga dapat na disiplinahin sa pagtataguyod ng maayos na pamamahala ng siyudad.



Tandaan na ang tungkulin ng Alkalde at ang lahat ng nasa cityhall ay ang maglingkod — hindi paglilingkod na basta na lamang kungdi paglilingkod na kalakip ang sakripisyo at ang hangaring tunay na makapagsilbi sa bayan.

Ang lahat ng ito ay madaling magagawa kung ang lahat ay makikibahagi sa pagpasan ng sariling pasanin at pagaangin ang mabigat na tungkulin.
***
Sa mga buhay na saksi sa Unang EDSA, may 37 na taon na ang nakalilipas, ang madalas na itinatanong nila: bakit ang demokrasyang ipinanganak sa pag-aalsa ng bayan sa Camp Crame at Camp Aguinaldo noong Pebrero 21-25, 1986 ay hindi yata nagbunga ng kaunlaran at pagbabago sa buong bansa?

May mga nagsasabi pa, tila mas maganda at magaang ang kabuhayan ng mga Pinoy noong panahon ni dating Ferdinand Edralin Marcos Sr.

May disiplina — na bunga ng takot na maparusahan at makulong — ang maraming mamamayan, at kung may korapsiyon man, ito ay malayang nagagawa ng iilang pamilya lamang.

Naitatanong: bakit talamak pa rin ang katiwalian at ang anomalya sa pamahalaan, mula sa pinakamataas na opisina ng gobyerno hanggang sa pinakamaliit na opisina ng barangay at Sangguniang Kabataan?



Sa maraming imbestigasyon ng Senado at Kamara ng mga kongresista, nakita at nasaksihan ang matatalinong politiko at mga kasabwat kung paano nila natatakasan ang multi-milyon pisong ninakaw sa paglilikot ng batas at sa tulong ng mga prosekyutor at ng mga hukuman.

Sa nagdaang mga taon, maraming katiwalian at kamatayan ang wala pang kalutasan para sa maraming inosenteng mamamayan at mamamahayag.

May kahulugan pa ba ang People’s Revolt o mas kilala sa tawag na EDSA 1, na nagbantayog sa Pilipinas bilang isang bansang handang ibuhos ang dugo at buhay para sa demokrasya.

Ang tanong: kailangan ba uli ang isa pang tunay na paghihimagsik upang maituwid ang binaluktot na daan ng kalayaan at demokrasya ng mga pangulong nagdaan at sumira sa tunay na diwa ng mapagpalayang kaisipan ng mamamayang Pilipino?
***
Uulitin ng pitak na ito: Kung walang impornasyon tayo na nasa media, paano natin lalabanan ang kurapsiyon at kabulukan sa pamahalaan.

Paano natin uusigin ang mga tiwali kung wala tayong datos, mga dokumento upang maisiwalat ang kawalanghiyaan ng mga taong ating inihalal at pinagkatiwalaan?
***
Kinukurakot lamang ng mga tagapagpatupad ng 4Ps ang pansuporta sa pagkain ng mahirap na pamilya ng estudyante kaya kumakalam ang sikmura sa pagpasok sa paaralan, at ano ang mailalaman sa utak kung humahapdi ang sikmura ng bata.

May pantulong na salapi sa edukasyon ang mga mayor, gobernador, senador, kongresman, ano’ng nangyayari? Ang kulang sa 100,000 students sa Bicol Region na hindi marunong magbasa ay patunay na kung saan-saan lang bulsa pumapasok ang tulong sa edukasyon para sa ating mga kabataan.

Kahirapan at korapsiyon ang ugat ng problemang ito, Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte.
***
Dapat na bang repasuhin VFA?

Nang pinutol noon ni dating Pres. Rodrigo Duterte ang VFA sa notice na ipinadala nito sa US Embassy,”It’s fine,” lang ang naging tugon o sagot dito ni dating US President Donald Trump. Wala lang ‘yon kay Donald, pero sa ilang senador natin ay maraming nagwala at kinuswestyon sa Supreme Court ang pagbasura ni Tatay Digong sa VFA… e, bakit nga ba?

Kasi ang Concern nila, matagal nang kaibigan ang US at malalagay raw sa alanganin ang national security natin, sakaling may ibang bansa na lumusob at gusto tayong sakupin. Ibig sabihin, naniniwala sila, agad sasaklolo ang US kung halimbawa ay lusubin tayo ng China?

Pero ayon sa RP-US Mutual Defense Treaty ng 1951, walang darating na jet, submarine at mga sundalong Kano para tayo ay ipagtanggol kung lusubin tayo ng kaaway. Bago magpadala ng tulong military, magdedebate pa sa US Senate; hindi automatic na darating ang mga sundalong Kano para makipagpatayan para tayo ipagtanggol.

Kung ang RP-US Mutual Defense Treaty e hindi agad tutulong si Uncle Sam, ano ang maaasahan natin sa VFA, e di wala!

Naalala nyo si US Marine Cpl, Joseph Scott Pemberton na hinatulang mabilanggo ng 6-10 taon sa pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude noong 2004. Pero inabsuwelto siya ng Court of Appeals noong 2005. Nahatulan naman sa kasong rape si US Marine Cpl. Daniel Smith na mabilanggo ng 40 taon pero nakalaya rin nang bawiin ng babae ang demanda laban kay Smith. Kapwa sundalong kasali sa VFA sina Smith at Pemberton na ayon sa mga mlitante ay malakas ang loob na gumawa ng krimen sa bansa dahil protektado sila ng VFA.

Sa mga krimeng nagawa ng mga sundalong kasali sa VFA, kailangan pa ng permiso ang gobyerno natin kung pwedeng maikulong sa piitan natin at kung tumanggi ang US military. Mananatili ang suspek na sundalo sa poder ng US facilties. Masyadong tagilid o agrabyado ang Pilipinas sa VFA kaya ito ay tinututulan noon nina dating Vice President Teofisto Guingona, dating (+) Senate Pres. Jovito Salonga, IBP at maraming mambabatas, pero sinabi ng SC na constitutional daw ang agreement.

Sa paniniwala ng ilang senador, napapanahon na raw na repasuhin ang VFA, sey nyo?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.