Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
“PARA akong etudyante ulit,” natatawang bulalas ni Marian Rivera tungkol sa experience niya kapag nagbabantay kay Zia na nag-aaral mula sa loob ng kanilang tahanan.
Kaklase at teacher ni Zia ang peg ni Marian kapag may online class ang panganay na anak nila ng mister niyang si Dingdong Dantes.
Sa tanong naman tungkol sa posibilidad na maging artista rin si Zia tulad ng ina nitong Primetime Queen ng GMA, ikinuwento ni Marian na mas mahihilig si Zia sa pagiging,… singer!
Lagi raw magka-jamming sina Dingdong, Zia at bunso nilang anak na si Ziggy sa pagkanta, paggigitara at pagda-drums.
Marami raw gustung-gustong kinakanta si Zia pero isa sa mga paborito nitong awitin ay ang Shallow ni Lady Gaga (at Bradley Cooper) mula sa pelikulang A Star Is Born.
Nakatutuwa ang tsika ni Marian tungkol sa pagkahilig ni Zia sa pagkanta…
“Sabi ko nga sa kanya, ‘Anak, kung gusto mo talagang maging singer, kailangan mo na may nagtuturo sa ‘yo. Kasi, anak, wala kang aasahan sa akin!
“‘Dyusko! Hindi kita matuturuan, boses palaka ang nanay mo. Si Daddy mo, puwede, pero busy.’
“So, pag meron talagang pagkakataon, dapat mag-voice lesson siya.
“Kasi, sobrang hilig niya kumanta. Gustung-gusto talaga niya.”
Noon pa sinasabi nina Marian at Dingdong na hindi nila pipigilan ang sino man sa mga anak nila na pasukin ang showbiz, pero may isa silang kundisyon; kailangang magtapos muna sila sa pag-aaral.
Samantala, ngayong panahon ng pandemya, tuloy ang showbiz career ni Marian; bukod sa endorsement shoots ay ang tuluy-tuloy ang taping niya para sa Tadhana na si Dingdong ang direktor.
Ipinagdiriwang na ng Tadhana ang kanilang third anniversary, at ang ilan sa bagong mapapanood na fresh episodes ay medyo light ang format at tumatalakay sa pag-ibig at pag-asa, hindi na puro kuwento lamang ng ng overseas Filipino workers o OFWs.
“Nakakatuwa lang, kasi pag may Tadhana, may trabaho ang mga tao. Sa likod ng Tadhana, may nagaganap.
“Mahal ko ang Tadhana family ko. Sabi ko nga, kahit sa bahay, nakakapag-taping kami at nakakapagtrabaho rin yung mga tao namin sa Tadhana.
“Happy ako dun, basta ligtas sila.”
Napapanood ang Tadhana tuwing Sabado, 3:15 p.m., bago mag-Wish Ko Lang! sa GMA.
***
Kuwento ng mga mangingisdang beki ang hatid ng episode ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman ngayong parating na Sabado, November 7.
Makikipagsapalaran ang magkakaibigang Michael, Walen, Rolly, at Yuri sa pagtatrabaho bilang mga mangingisda.
Makakaranas ang grupo ng diskriminasyon dahil sa kanilang kasarian, lalo na at pinaniniwalaang tradisyunal na trabaho ng mga lalaking matikas ang pangingisda.
Si Michael (Jak Roberto), magsisikap sa pagtatrabaho para sumuporta sa pamilya at sa inang may sakit.
Si Walen (Dave Bornea) naman, nangangarap maging guro kaya naghahanap-buhay para makatapos sa pag-aaral.
Hindi naman ladlad sa kanyang pamilya si Rolly (Raphael Robes) at sa mga kaibigan lang naipakikita ang tunay na pagkatao.
Patuloy rin sa trabaho si Yuri (Mela Habijan) kahit magkaroon ng isang aksidente.
Abangan ang kanilang kuwento sa episode na pinamagatang “Fishergays: Mga Tigasing Sirena sa Laot,” ngayong Sabado, November 7, 8:15 pm sa Magpakailanman [#MPK].