Advertisers
GULPI ang inabot ng isang delivery rider sa anim na lalaki sa maling delivery sa Zamboanga del Norte.
Kinilala ang biktima na si Gejonar Villejo.
Sa video na kuha ng isang netizen, makikita na tinangka pa ng biktima na lumayo pero naharang siya hanggang sa pinagsusuntok at pinagsisipa ng grupo sa Barangay Poblacion, bayan ng Gutalac.
Ayon sa pulisya, nagalit ang isa sa mga salarin dahil mali ang natanggap niyang order na inihatid ng biktima.
Ang biktima, nagpaliwanag na, ‘Sir wala aking kinalaman diyan, nag-deliver lang ako. Not knowing ano ‘yang order mo.’ Siguro dahil sa galit kaya nagawa nila iyon [ pananakit sa biktima,], ayon kay Major Rene Borginia Sagan, acting chief ng Gutalac, MPS.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na magkakamag-anak ang anim na salarin.
Nagtamo ng mga pasa sa katawan ang biktima at hindi pa nakabalik sa kaniyang trabaho.
Sasampahan ng reklamong serious physical injuries ang mga salarin.