Advertisers
MABUTI naman at tinapos na ng Kongreso at tuluyan ng inaprubahan ang panukalang P5.768-T budget para sa 2024.
Bagama’t hindi pa naman tiyak kung ilan sa mga probisyon dito ang ibi-veto ni Pangulong BBM, maganda na rin na natapos na ng mga mambabatas ang usapin tungkol dito.
Gaya ng mga nakaraang taon ay naging mainit ang talakayan hinggil sa sa mga panukalang badyet ng bawat departamento na binusising maigi ng dalawang kapulungan.
Naging mainit na usapin din ang milyon-milyong confidential fund na hinihingi ng mga ahensya ng pamahalaan, lalo’t higit ang hiling ni VP Sara Duterte para sa OVP at sa DepEd.
Bagama’t noong mga nakaraang mga taon ay talaga namang nagbibigay ng confidential at intelligence fund sa mga civilian agencies ang Kongreso, sa pagkakataong ito ay naging mas mahigpit sila.
Sa hindi malamang dahilan ay pumutok ang isyu ng hindi klarong liquidation ng pondo para sa intelligence funds at nalagay pa sa hindi maganda ang pangalan ni Inday Sara.
Kaya ang resulta ay tuluyan ng tinanggal sa mga civilian agencies ang confidential funds at ibinigay na lang sa PNP, AFP at iba pang tanggapan na talagang nangangailangan kuno nito.
Tapos na ang usapin doon at ngayong aprubado na ang P5.768 trilyong pambansang badyet para sa 2024, sana naman ay magamit ito ng maayos para sa kapakinabangan ng taumbayan lalo’t higit ng mahihirap.
Sa halip na mapunta sa bulsa lang ng iilan, magamit sana ito sa mga makabuluhang proyekto na magbibigay ng tamang serbisyo at trabaho sa ating mga kababayan.
Matugunan din sana ng perang ito ang pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, pagpapalakas ng komersyo, at paghahatid ng mga pangunahing serbisyong panlipunan.
Bigyang prayoridad sana ng napalaking badyet na ito ang pagbibigay ayuda sa ating mga magsasaka, libreng gamot at pagpapagamot sa mga mahihirap na may-sakit, maayos na paaralan sa ating mga estudyante at mataas na sweldo sa mga guro.
Mahikayat din sana natin ang ating mga doktor at narses at iba pang mga kababayan natin na huwag ng mangibang-bayan dahil may mga trabaho rin naman dito.
Mukhang suntok sa buwan ang mga hiling ko na ito pero sana naman ay maging totoo ang panaginip nating ito.
Abangan!