Advertisers

Advertisers

Bong Go: Small scale farmers, higit na dapat tulungan ng gobyerno

0 16

Advertisers

Matapos dumalo sa groundbreaking ng Super Health Center sa Bansud, Oriental Mindoro, binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangangailangan ng dagdag na suporta ng gobyerno para sa maliliit na magsasaka at mangingisda sa bansa.

Ang panawagang ito ng senador ay alinsunod sa pagsisikap niya na maibsan ang mga hamon na kinakaharap ng sektor ng agrikultura.

Binigyang-diin ni Go ang makabuluhang progreso sa pagsasabatas ng Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act.



“Last July 7, pinirmahan po ni Pangulong (Ferdinand) Bongbong Marcos ang Republic Act No. 11953 or the New Agrarian Emancipation Act,” pahayag ni Go, miyembro ng Committee on Agriculture at co-sponsor at co-author ng nasabing batas.

“Layunin nitong mapagaan ang bigat na dinadala ng ating agrarian reform beneficiaries dahil sa kanilang mga utang,” paliwanag ni Go.

Isinasantabi ng batas ang lahat ng pautang ng agrarian reform beneficiaries (ARBs), kabilang ang interes, multa, at surcharge. Bago ang pagsasabatas nito, umabot sa 610,054 ARBs ang may utang sa Land Bank of the Philippines ng kabuuang P57.56 bilyon. Saklaw nito ang 1,173,101.575 ektarya ng mga lupain sa repormang agraryo.

“Dahil dito na-wipe out po ang kanilang utang, mas makakapokus na po sila sa kanilang pagsasaka.”

Bukod dito, naniniwala si Go na dapat pang suportahan ng gobyerno ang mga magsasaka at tiyaking sila ay kumikita sa kanilang pagsusumikap.



“Kung mayroon pong dapat na maging masaya ay ang ating mga magsasaka. Dapat kumita sila sa kanilang pagsasaka,” ani Go.

Nangako si Go na ipagpapatuloy ang pagtataguyod ng mga batas at mga hakbang na susuporta sa maliliit na magsasaka.

Sinabi niya na ang sama-samang pagsisikap ay dapat gawin ng pamahalaan at stakeholder upang ang maliliit na magsasaka ay makatanggap ng suporta at pagkilala sa kanilang kontribusyon sa seguridad at ekonomiya ng bansa.

Bukod sa RA 11953, isa si Go sa may-akda ng Republic Act 11901, o ang Agriculture, Fisheries, and Rural Development Financing Enhancement Act of 2022, na nagpahusay sa istrukturang pinansyal sa agrikultura, pangisdaan, at pag-unlad sa kanayunan.

Naghain din ang senador ng SBN 2117, na naglalayong magbigay ng full crop insurance coverage sa agrarian reform beneficiaries, gayundin ang SBN 2118, na magbibigay ng mas magandang insurance coverage at serbisyo sa mga magsasaka at makatulong sa pag-iwas sa epekto ng natural na kalamidad sa sektor ng agrikultura.