Advertisers

Advertisers

“KAYA LANG NAMAN AKO NABUBUHAY PARA SA MGA ANAK KO!”– CRISTINA DECENA

0 62

Advertisers

Ni ROMMEL GONZALES

MAGKAHALONG tuwa at lungkot ang nadama ni Cristina Decena dahil ikinasal na ang kanyang anak, ang lady pilot na si Cristina May Decena sa aesthetic doctor na si Dr. Christian Peralta.

“Sa isang ina hindi naman mawawala yung malulungkot ka, di ba,” umpisang pahayag ni Cristina. “Pero pag ibibigay mo yung anak mo sa isang taong alam mong mahal yung anak mo at alam mong successful at alam mong may pagmamahal din sa mga magulang niya, siyempre, alam mo na mabuting tao.



“Kasi ako mahal na mahal ko yung magulang ko, e. Ako yung nag-alaga sa magulang ko, e. Pag ikaw nag-alaga ka sa magulang mo lagi kang makakatayo sa lahat ng problema mo.

“Kasi nakikita ni Lord lahat ng mga ginagawa natin sa mundo, di ba? Naniniwala ako dun,” saad pa ng travel host/businesswoman.

Piloto ng eroplano ng Alphaland Aviation ng Balesin Island, ang sikat na resort sa Lamon Bay Polilio, Quezon Province, si MM samantalang si Christian ay isang resident aesthetic doctor ng klinika na pag-aari ni Cristina, ang Bellezza Aesthetics.

“Ang ganda ng proposal niya sa anak ko, sa Balesin ginawa, nandun kaming lahat,” bulalas pa ni Cristina.

“Yang son-in-law ko na yan, tinitipid niya yung sarili niya. “Talagang sobrang  tipid. Napaka-successful na doktor… di ba minsan tayo, hindi naman sa pagmamayabang, pag tayo di ba pupunta sa isang doktor tinitingnan muna natin, ‘Ano kayang klaseng doktor ‘to?’



“Sa dami ng pasyente niya, number one siya. Tapos titingnan mo kung ano suot. Hind siya mahilig sa signature. Na kahit anong gamit, yung mga signature na belt, signature na shoes, hindi siya mahilig.

“Pero binigyan niya yung anak ko ng singsing na three karats na heart-shaped na napakaganda.

“Binigyan niya ng magandang engagement party, proposal, siyempre alam ko kung magkano yung mga nagastos niya doon.

“Pati yung kasal binigyan niya ng napakagandang kasal.”

Sa Hillcreek Gardens sa Tagaytay idinaos ang garden wedding nina MM at Christian.

Celebrity guests sina Korina Sanchez-Roxas na ninang ng mga bagong kasal; ang mga ninong na sina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., Bulacan Governor Daniel Fernando, at ang beauty guru na si Cathy Valencia.

Ang proxy raw ni Governor Daniel ay ang Chief of Staff nito; kasalukuyan daw nagpapahinga si Daniel na kamakailan ay naging laman ng mga balita dahil habang nasa isang speaking engagement ay biglang nahirapang magsalita kaya isinugod sa ospital.

“Nagpapahinga siya kasi sobra siyang workaholic e,” kuwento ni Cristina. “Pero okay na siya, back-to-normal na siya kaya lang kailangan niyang magpahinga, nasobrahan lang ng pagod,” paglilinaw pa ni Cristina sa kalagayan ng kaibigang Gobernador.

Ninong at ninang din sina Patricia Javier at ang mister nitong American chiropractor na si Dr. Robert “Rob” Walcher.

Bisita rin sa kasal ang 2010 Miss Universe 4th runner-up na si Venus Raj na kaibigan ni Cristina at co-host sa travel show na Business Flight at ang Lord of Scents na si Joel Cruz ng Aficionado Perfumes.

Parte ng entourage ng kasal ang apat sa mga anak ni Joel bilang ring bearer, coin bearer at flower girls.

Bizu ang catering ng kasal nina MM at Christian.

Naluha raw si Cristina sa isang bahagi ng speech ng groom…

“Nakita ko yung groom, umiiyak siya, na-touched akong masyado sa sinabi ng groom tungkol sa anak ko, na akala daw niya hindi niya kayang abutin dahil anak ni Cristina Decena.

“Pero napakasimple pala daw ng anak ko, down-to-earth, at tsaka higit sa lahat, sobrang organized.”

Cash, wedding rings at condominium unit ang wedding gifts ni Cristina sa kanyang anak at bagong manugang.

“Kaya lang naman ako nabubuhay para sa mga anak ko,” emosyunal na sinabi pa ni Cristina.