Advertisers

Advertisers

PBBM, TUTUKAN AT UNAHIN ANG KALAM NG SIKMURA NG PINOY

0 12

Advertisers

KUNG seseryosohin lang ang pagsugpo sa talamak na ismagling o pagpapasok ng mga kontrabando, ang magandang epekto nito ay ang paglago ng ating ekonomya, at pagkabuhay muli ng mga industriyang pinatay ng mga salot na ismagler.

Suriin natin ang kaso ng Marikina shoe industry na noon ay masiglang-masigla ang kabuhayan, napayabong at napakalagong industriya na nag-eempleyo ng maraming manggagawang Pinoy at nagpapasigla ng lokal na komersiyo at nagpatanyag sa buong mundo dahil sa husay ng obrerong shoemaker natin.

Noon kasi dear readers, pag sinabing Marikina made shoes, maipagmamalaki sa mundo, at ang totoo nga nyan ang ilan sikat na brand ng Italian, France at US made shoes ay gawang Pilipinas.



Totoo po ito dahil ang mga inaangkat na sapatos Marikina ay inaayos lang, mahusay na ipinapakete at pinapalitan ng brand ng Italy, France at US, at ang presyo, naibebenta sa malaking halaga.

Sa ngayon po masugid kong tagasubaybay ay patay na halos ang shoe industry ng Marikina, at sino ang dapat sisihin sa pangyayaring ito.

Ilan sa mga dapat sisihin ay hindi lamang ang mga kasabwat na tiwali sa gobyerno, partikular sa Bureau of Customs (BoC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at ating mga law enforcers.

Kasi po e binibili natin ang mga peke at huwad na tatak ng mumurahing sapatos na naipapasok sa bansa mula sa China at iba pang bansa.

Isipin ang libo-libong shoemaker, mga tagagawa ng kuwero (katad o leather) at iba pang kaugnay na negosyong pinatay ng smuggled shoes na nailulusot o pinapalusot sa BoC.



Dahil sa talamak na ismagling, hanggang ngayon ay naghihingalo ang maraming shoemaker natin partikular nga dyan sa Marikina, at ito ay katumbas ng malaking kawalan sa trabaho, kawalan ng makakain at kakapusan ng pagpapaaral ng mga manggagawang nawalan ng kita bunga ng ismagling.
***
Sadyang napakahirap abutin ang target collection ng BoC bawat taon.

Maraming makatwirang dahilan tulad ng kung mahina ang importasyon, kasunod nito ay mahinang koleksyon.

Marami man ang ipinararating na kargamento, marami rin naman ang pinapatawan ng maliit o zero tariff rate bunga ng iginagalang na kasunduan ng bansa sa pinirmahang international trade agreement sa maraming bansa sa Asia.

Isa pang dahilan, ito ngang ismagling at pandurugas ng mga burangas sa loob ng kawanihan.

Hindi madaling lutasin ang ismagling: may sapantaha kasi na protektado ito ng mga may kuneksiyon sa Senado at Kongreso, at may mga panahong ang kunsintidor ng ismagling ay ang mismong nasa Malakanyang.

Nasa lider na matigas at may bayag ang makapagpapatino sa mga tiwali sa Customs.

Tamang-tama ang tandem nina Customs Commissioner Bienvenido Rubio at kanyang mga diputado, Atty. Vener Baquiran at si retiradong Heneral Juvymax Uy.

Mabibigat ang kanilang mga kalaban: mga kriminal na armado ng malalakas na suporta ng mga maiitim na butong politiko, kumpleto pa sila sa kasabwat na taga-Customs, mga korteng madaling nabubulag sa mga bungkos na salaping ninakaw sa gobyerno.

Pero buo man ang loob nina Rubio, Baquiran at Uy at mga kasamang matitino sa BoC kung ang korte, at ang taumbayan ay manlalamig sa suporta, ‘wag sisihin ang nasa timon ng paglilinis sa kawanihan kung hindi sila magtagumpay.

Nasa kamay at pagtitiwala ng bayan ang pagtatagumpay laban sa mga ilegalista.
***
Noong sumiklab ang giyera ng North at South Korea, nagpadala tayo ng mga sundalo para tumulong sa South Korea.

Kinilala ang tapang ng Pinoy sa digmaang iyon na humantong sa peace talks at ang paghahati ng bansang ito.

Pero sa ngayon, kapwa mainit ang tumbong ng dalawang Korea at muli nais na naman nilang magsabong at dito, iwasan man natin, kasali syempre tayo dahil sa libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) natin sa South Korea.

Madaragdagan na naman ang mga jobless sa Pinas kapag sila ay umuwi sa bansa, at higit pa sa “digmaan” ang siguradong haharapin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. kung paano mabibigyan ng hanapbuhay ang mga kung sakali uuwing kababayan.

Dagdag pa ang dati ay daang-daang libo na dati nang walang trabaho at ang mga kamakailan lang nagsipagtapos sa kolehiyo at mga gagraduate ngayong taon na makikipag-agawan ng oportunidad na makahanap ng mapagkakakitaan.

Ito ngayon ang dapat na unahin at tutukan ni PBBM na, unahin ang kalam ng sikmura.

Maligayang Pasko sa lahat!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.