Advertisers
PATAPOS na ang taong 2023 na walang pagbabago sa buhay ng tao sa laylayan, higit sa mga pangakong napako ng pangulong pala ngiwi este ngiti, tulad sa presyo ng mga bilihin, umasa ka pa. Sa isang survey hinggil sa estado ng buhay ng Pinoy, marami ang sumagot na lalong humirap ang buhay dahil sa mahal ng bilihin at ‘di tumataas na sahod. Hindi mapag-abot ang sahod ng asawang obrero at ang presyo ng bilihin na pang-araw-araw na pangangailangan. Kadalasan naglalakad na lang si Mang Juan patungo sa pinapasukan upang ang magtipid at nang pandagdag sa kanin sa pananghalian. Baon ang pritong bangus at paghingi ng sabaw sa suking karinderya ang gawi, ayos na. Sa totoo lang, matagal ng tumigil sa paninigarilyo si Mang Juan hindi dahil takot na magkasakit, higit nanghihinayang sa perang susunugin para sa usok na ‘di kailangan. Sa puntong ito, nasiyahan si Aling Marya dahil matagal na inaawitan ang asawa na tumigil sa paninigarilyo. May magandang ring dulot ang kawalan ng salapi, hehehe.
Sa papalapit na bagong taon, walang inaasahang maganda ang maraming Pinoy, sa halip ang maghigpit ng sinturon ang gagawin ng mapagkasya sa magkabilang dulo ang sahod ng asawang pagal ang katawan sa paninilbihan at ang gastusin ng pamilya. Ang masakit, pinaghahandaan ni Aling Marya ang maaaring pagtigil ng ilang anak sa pag-aaral dahil hindi na makayanan ang pang araw-araw na pabaon sa pagpasok sa eskwela. Sa totoo lang, noong bukasan ng klase, ‘di na ibig ni Aling Marya papasukin sa eskwela ang panganay na anak upang makatulong sa pagbabantay sa maliit na kapatid habang siya’y naglalaba o namamalantsa sa kapitbahay. Paano na ang kinabukasan ng mga anak ni Aling Marya at Mang Juan kung titigil sa pag-aaral?
Sa kabilang banda, umaasa si Aling Marya na makakapasok sa listahan ng mga inaabutan ng ayuda ng mga politikong hanapbuhay ang kahirapan ng mamamayan. At kung makasama sa listahan, malaking tulong ang P2,000 kada-ikatlong buwan sa gastusin ng pamilya na tunay na harimunan ang kabuhayan. Siyempre, nakatali ang katapatan higit ang boto sa politikong ‘di ibig ang kaunlaran ng tao sa laylayan.
Ang positibong pananaw sa pagpasok ng bagong taon ang inaasahan sa balana higit sa kaisipang bagong taon bagong pag-asa. Sa tulad ni Aling Marya at ni Mang Juan na deka-dekada ng nakatali sa kahirapan ang umasang may pagbabago sa timpla ng buhay ay dapat iwaksi higit kung walang pagbaba sa presyo ng bilihin, walang umento sa sahod at ang palyatibong programa ng pagtulong ng mga taong bayan. At tila maramot ang pagkakataon sa mga taong nasa laylayan na ‘di umusad paitaas ang kapalaran. Samantala ang mero’y patuloy ang kasaganahan sa buhay at daan daang milyon ang pinag-uusapan na winawaldas sa loob ng 11 araw na may ngiti sa labi. Tanong, tama ba ang umasa sa manigong bagong taon higit kung ang kaayusan sa ibabaw ang umiiral?
Lumalaon lumalalim sa kahirapan ang kalagayan ng karaniwang tao na bangungot ang mag-isip ng kaginhawahan sa buhay. Sa kasaysayan ng mundo, pili o natatangi ang pinapahiran ng langis upang makaraos sa kahirapan. Sa tulad ni Mang Juan na deka-dekada na ang nararanasang kahirapan, ang pagtigil ng anak sa pag-aaral ang kumunoy na magbabaon sa bangungot ng kahirapan. Batid ni Mang Juan na ang mapa-aral ang mga anak ang behikulong mag-aahon sa kanilang kabuhayan, ngunit sila’y salat sa lahat ng pangangailangan. Sa totoo lang, nawawalan ng puso ang mga anak ni Mang Juan higit ‘di makayanan ang gastos sa proyektong kailangan. Walang pantustos si Mang Juan sa proyekto ng anak sa paaralan dahil tunay na walang laman ang lukbutan na paghuhugutan. Ang kadahilanang ito ang nagsasabi na tama ang tumigil sa pag-aaral at unahin ang laman ng tiyan. Ang dahilang ito ang nagpapatunay na daig ng meron ang wala higit sa pangangailangan na pampaaralan. Sa kung ito ang paglalaanan ng CIF ni Inday Siba, baka pumayag si Waray Buot at ang makabayan block sa Kongreso sa lantad na dahilan.
Sa totoo lang, hindi nawawalan ng pag-asa ang mag-asawa sa darating na Bagong Taon, higit sa takbuhin ng buhay pamilya. Pilit na nilalabanan ang kahirapan na nasa kanilang harapan ngunit hindi makita ang tamang galaw upang malagpasan ito. Sa lugar pagawaan na pinapasukan ni Mang Juan, hindi ito tumitigil sa paggawa na halos ikapatid ng hininga sa hirap ng gawain. Habang si Aling Marya’y nagpapakasakit sa paglalaba sa kapit-bahay para sa karagdagang kita. Ginagawa ang lahat upang madagdagan ang iuuwi at maitutustos sa pamilyang naghihikahos. Tunay na hindi sapat ang pagpapagal sa kamahalan ng presyo ng bilihin, paano kung may magkasakit. Ang nakalulungkot, ang inaasahang tutulong sa pag-ahon sa buhay, ang mga anak, ibig patigilin sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng pantustos.
Walang pag-unlad ang tao sa laylayan ng lipunan sa lahat ng aspeto ng buhay. Sapat na ang magkaroon ng pantustos sa pangangailangan ngunit ito’y kasing tumal ng pagdalaw ng halal ng bayan sa nasasakupan. Walang kasiguruhan ang kinabukasan ng masang umaasa sa swerte higit sa uri ng opisyal na nailuluklok sa pwesto. Huwag umaasa sa darating na bagong taon, ng manigong buhay dahil wala sa sistema’t kaisipan ng mga halal ng bayan na makaahon si Mang Juan sa kahirapan. Ang mapanatiling palaasa sina Mang Juan at Aling Marya ang sistemang ibig ng mga halal ng bayan, dahil sarili ang una ‘di ang bayan. Walang pag-angat sa kabuhayan ng tao sa laylayan, ang siyang layon ng ‘di bumitaw sa katapatan sa namumuno sa bayan. Ang sistema ng palaasa ang itinataguyod, higit ng kasalukuyang lider na ginawang pag-aari ang ayuda ng pamahalaan. Silip kahit sa antas ng barangay, walang pagkilos kung walang ayudang iaabot.
Sa isip na lang Ang Manigong Bagong Taon hanga’t ‘di namumulat ang mga halal ng bayan na ang tao sa laylayan ang dapat pagsilbihan ng tunay at wagas. Ang maibaba ang presyo ng mga bilihi’y ang unang hakbang na inaasahan ng makaluwag sa paghinga ang tulad nina Mang Juan, Aling Marya at ang balana. Mula sa Batingaw, isang Manigong Bagong Taon sa Lahat!!!
Maraming Salamat po!!!