Advertisers
MULING nagbabala sa publiko ang pamahalaan laban sa mapagsamantalang mga tao na nambibiktima ng mga inosenteng mamamayan.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni Bureau of Customs (BOC) spokesperson Atty. Vincent Philip Maronilla na karaniwang target ng sindikato ang mga aktibo sa social media.
Aniya, ang siste ay magpapakilala at makikipagkaibigan sa Facebook, Instagram, Twitter at iba pang social media platforms ang mga manloloko para kunin ang loob ng biktima.
Kadalasan ay sinasabing mayroong package o parcel ang target na nakabinbin sa BOC at kailangan nitong magbayad thru personal bank account o money remittance upang ito ay mailabas.
Kapag nakuha na aniya ang bayad ay maglalaho nang parang bula ang scammer, pati na ang kunwaring karelasyon niya o kaibigan na nakilala niya rin sa social media. (Gilbert Perdez)