Advertisers
NAKAKASAWA na ang walang katapusang masasama at kontrobersyal na mga balita na araw-araw na laman ng mga pahayagan at maging ng mga radio, telebisyon at online media.
Nandiyan ang bangayan sa pulitika ng ibat-ibang mga nagnanais na tumakbo bilang pangulo sa 2028, ang mga isyu ng korapsyon sa pamahalaan at maging mga balita ng karahasan at pag-abuso sa kapangyarihan.
Iyong iba namang vloggers na mga self-declared patriots na hindi na makapag-antay na matapos ni PBBM ang termino sa 2028 ay nananawagan ngayon pa lang na bumaba na siya sa puwesto.
Ang paglaganap ng mga ganitong pseudo-journalists na wala kahit kaunting alam sa totoong trabaho ng mga mamamahayag ang isa pa sa nakakadagdag sa ingay at gulo dito sa bansa.
Kaya naman parang simoy ng sariwang hangin kapag nakakatanggap tayo ng mga magagandang balita.
Katulad halimbawa ng ulat ng Philippine Statistics Authority na bumaba pa ang unemployment rate ng bansa sa 3.6% noong Nobyembre kumpara sa 4.2% noong mga nakaraang buwan.
Ganun din naman ay bumaba ang bilang ng mga walang trabahong Pinoy sa 1.83 milyon noong November 2023, na mas mababa ito sa 2.09 milyon noong October 2023.
Mababa rin ito sa 2.18 milyon sa kaparehong period ng November 2022.
Ang maganda rito, sinabi ng PSA na ito na ang pinakamababang naitalang unemployment rate mula ng gumamit sila ng bagong pamamaraan para sa pagsukat ng Labor Force Statistic (LFS) noong 2005.
Samantala, tumaas ang employment rate noong Nobyembre 2023 sa 96.4%, mula sa naitala na 95.8% noong Nobyembre 2022 at Oktubre 2023.
Ang bilang ng may trabaho noong Nobyembre 2023 ay tinatayang nasa 49.64 milyon, mula sa 47.80 milyon noong Oktubre 2023 at 49.71 milyon sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Magaganda talaga ang mga datos na ito at sana naman ay magtuloy-tuloy na dumami pa ang bilang ng mga Pinoy na may trabaho.
Ibig sabihin nito ay mababawasan ang kahirapan at tiyak na may maihahain silang pagkain sa kanilang mga hapag-kainan at mga tahanang matitirhan.
Good news nga ito pero bad news naman sa mga kritiko ng gobyerno na ang kapital ay kahirapan para mahikayat ang mga mamamayan na sumama sa kanilang panawagan na maghasik ng kaguluhan.
Abangan!