Advertisers
Kapwa mariing pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police ang panibagong mga isyung umuugong ngayon pahinggil sa umano’y pagbabawal sa ilang mga retired generals na makapasok sa mga kampo ng Camp Crame at Camp Aguinaldo.
Ang mga bali-balitang ito ay pumutok kasunod ng kamakailan na muling pag-usbong ng isyu ng umano’y destabilisasyon ng ilang retiradong heneral ng PNP at AFP laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Giit ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr.,wala itong katotohanan at wala aniya siyang ibinababang direktiba hinggil sa ganitong uri ng kautusan na nagbabawal na papasukin ang mga retiradong heneral sa kampo ng national headquarters ng pambansang pulisya bagay na parehong binigyang-diin din ng AFP.
Kung maaalala, nakasaad sa mga lumabas na ulat ukol dito na ang issuance umano ng stickers para sa mga retired officials ng PNP at AFP upang mapahintulutang makapasok sa loob ng Kampo Crame at Kampo Aguinaldo ay kasalukuyang pina-hold umano at isasailalim sa kaukulang pagsusuri na layuning mapigilan daw ang anumang uri ng untoward incident.
Ngunit paliwanag ng bagong tagapagsalita ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na si LTCol. Francel Margareth Padilla, ang mahigpit na pagbabantay sa mga tarangkahan ng Camp Aguinaldo ay bahagi na ng standard operating procedure na normal nang ipinapatupad ng mga sundalo sa mga nagnanais na pumasok sa loob ng kanilang kampo.
Ang naging pahayag na ito ng bagong tagapagsalita ng sandatahang lakas na si LTCol. Padilla ay kasunod ng pormal na pagpapakilala sa kanya ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. bilang kapalit ni Col. Medel Aguilar sa naturang tungkulin.
Kasunod ito ng isinagawang command conference ng AFP na pinangunahan pa mismo ni Pangulong Marcos Jr. kung saan kabilang sa kanilang mga natalakay ay ang mga usapin na may kaugnayan sa paglaban sa local at communist terrorist groups sa bansa, kasabay ng patuloy at mas maigting na pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, at maging sa pagtugon sa mga kalamidad at sakuna na posibleng kaharapin pa ng ating bansa sa mga susunod na panahon.
Di rin umano ito bahagi ng tinatawag na ” loyalty check” sa hanay ng kasundaluhan.
Ay ambot sa imo!
Ang mga ganitong galawan sa Kampo Crame at Kampo Aguinaldo lalo na at nakakarating sa social at mainstream media ay talagang nakakabahala.
Lalo pa nga’t ang hukbo ng Army at Marines ang napapabalitang demoralisado at may malaking itinatagong disgusto at sentimiyento laban sa kasalukuyang administrasyon.
Sa mga nauna nating pitak,natalakay natin ang tungkol sa di mamatay- matay na ugong patungkol sa kudeta at ang nerbiyos na inabot ng mga taong nasa Malacanang at Kongreso.
Bakit naman kayo nenerbiyosin kung malayo naman sa katotohanan ang kumakalat na tsismis?
Guilty ba kayo dyan sa Malacanang at Kongreso?
May pang- aabuso ba sa kapangyarihan nangyayari?
Ano ang kinalaman ng minamadaling charter change sa pinag- aalburuto ng kasundaluhan?
Tatalakayin po natin ito sa susunod nating mga isyu.
Abangan!
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com