Advertisers
Ni BKC
MULING nagsama-sama ang hosts at ex-housemates ng “Pinoy Big Brother” sa pangunguna nina Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez, at Robi Domingo kasama ng dating Big Winners na sina Nene Tamayo, Kim Chiu, Melai Cantiveros, at Maymay Entrata upang tanggapin ang hamon ni Kuya na tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Rolly.
Isang virtual reunion ang “PBB Kumunect sa Pagtulong,” isang espesyal na livestream event sa Kumu, na nagkwento, nagtanghal, at nanawagan ang ex-housemates sa publiko na magmalasakit sa kapwa.
Ayon sa Season 1 Big Winner na si Nene, kailangang ‘dapat laging bukas ang puso at mga palad na tumulong sa mga kababayan.’
“Importante na palagi tayong maging parte ng solusyon at maging dahilan tayo na maniwala ang mga tao na meron pang kabutihan sa mundo,” ani Nene.
Ipinaalala naman nina Kim, Melai, Maymay, Bianca, at Robi na mahalaga ang pagdarasal para malagpasan ang mga hamon ng buhay.
Samantala, ang tubong Albay na si Barbie Imperial ng programang “Bagong Umaga,” umapela sa viewers na magbahagi ng tulong para unti-unting makapagsimula ang kanyang mga kababayan.
Aniya, wala siyang balita sa kanyang naiwang mga kamag-anak sa Bicol sa loob ng tatlong araw dahil sa kawalan ng signal.
Bumuhos din ang mga mensahe ng pag-asa at tulong pinansyal mula sa iba pang ex-housemates na ipapaabot nila sa ABS-CBN Foundation.
Sinimulan na ng ABS-CBN at ng Kumu ang pagbibigay pag-asa at pagpapatibay koneksyon ng mga Pilipino ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng “PBB Kumunect sa Pagtulong,” kung saan naging host si Bianca Gonzalez kasama sina Sky Quizon at Kiara Takahashi.
Subaybayan ang mga paparating na ganap sa loob ng bahay ni Kuya sa Kumu, A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, ABS-CBN Entertainment Channel, at sa mga opisyal na social media account ng “PBB.”
***
Kapuso stars at personalities, nominado sa 33rd Aliw Awards
Nominado ang ilang Kapuso stars at personalities sa 33rd Aliw Awards na nakatakdang ganapin sa December 8.
Nakatanggap ng nominasyon si Golden Cañedo para sa mga kategoryang Best Female Performance in a Concert at Best New Artist.
Nominado rin si Jeremiah Tiangco bilang Best New Artist.
Samantala, nominado naman si Donita Nose bilang Best Stand-up Comedian, habang si Paolo Valenciano bilang Best Stage Musical Director for a Musical para sa “Joseph The Dreamer.”
Nakatanggap din ng tatlong nominasyon ang “1 FOR 3” concert na nominado si Paolo para sa Best Concert Stage Director category, si Mel Villena bilang Best Musical Director for a Concert, at sina Christian Bautista, Aicelle Santos, at Mark Bautista para sa kategoryang Best Collaboration in a Concert.
Kabilang din sa nominees sa kategoryang Best Collaboration in a Concert sina Pops Fernandez at Martin Nievera para sa “Two-gether Again” at sina Lani Misalucha, Basil Valdez, at Ryan Cayabyab para naman sa “And The Story Begins.”