Advertisers
SA isang privilege speech sa Senado ni Senador Joel Villanueva kamakailan, ibinunyag niya ang mga kinasasangkutang katiwalian ng Sunwest Corporation na pag-aari umano ni ‘Ako Bicol’ Partylist Representative Elizaly “Zaldy” Co.
Kabilang sa mga binanggit ni Villanueva ang kontrobersiyal na ‘Pharmally deal’ at ‘substandard DepEd laptop’ na parehong nangyari noong pandemya ng Covid 19, mga kaso nito sa Bureau of Internal Revenue (BIR), at ang umano’y P50-billion na reklamo laban kay Co ng Task Force Kasanag International.
Sinabihan pa ni Villanueva si Co na: “Kung maglalabas po kayo ng baho, dapat naman siguro maligo ka muna.” Araguy!
Ang masaklap pa, sabi ng Senador, sa kabila ng masamang track records na ito ni Co ay “itinalaga siyang tagapagbantay ng kaban ng bayan”.
Si Co ang kasalukuyang tserman ng House Committee on Appropriations. Ang sinasabing kumpanya niyang Sunwest Corporation ay isa sa pinakamalaking kontraktor ng gobyerno, kaya nakadikit sa kanya halos lahat ng kongresista. You know!!!
Lamang at kinalkal ni Sen. Villanueva ang mga “baho” ni Rep. Co, hirit natin na silipin niya narin ang mga proyektong ‘cross country roads’ at mga sea wall sa lalawigan ng Romblon partikukar sa Tablas island. Bilyones ito!!!
Oo! Winasak ng Sunwest Corp. ang mga kabundukan sa Tablas. Ginawan ng mga kalsada sa kabundukan na na walang kabuluhan, hindi nadadaanan ng mga sasakyan dahil ubod ng tatarik, nakakatakot daanan, at ang mga lupa ng pinagbuldosan ay hinayaan lang bumaba sa mga sapa. Kaya nasira na ang mga ilog, at napakaraming puno ang itinumba. Wasak ang kalikasan ng Romblon!!!
Eh sino pa ba ang mga kasabwat sa mapangahas na mga proyektong ito, na obviously ay pinagkakitaan lang ng daan daang milyones, kundi ang mga bugok na trapo sa Romblon partikular ang lone district representative ng probinsiya na may nakabinbin na kaso sa Sandiganbayan.
Again, Sen. Villanueva, pakiimbestigahan ang mga proyekto ng Sunwest Corp. sa Romblon. Tiyak marami kang mahuhukay na kababalaghan, makagaganti ka sa katunggali mo sa Kamara. Now na!!!
***
Pinagkakaguluhan ngayon sa social media ang pagsasalita sa harap ng kanyang mga “deboto” si Brother Mike Velarde, ang founder ng ‘El Shaddai’.
Ngayon ko rin lang uli narinig magsalita sa harap ng kanyang milyon milyong tagasunod ang 84-anyos nang sikat na televangelist. Nagulat din ako dahil halos hindi na maintindihan ang kanyang mga sinasabi, hirap na siyang magbasa at magbigkas ng mga salita. Utal-utal na. Mukhang dumaan siya sa mild stroke.
Sabi ng netizens, dapat hindi na siya pinagsalita. Kasi nga hirap na siyang magbasa at magbigkas. Dapat daw pinagpapahinga na si Brother Mike.
May netizen pang nagsabi na “kakarmahin” ang nagpasalita kay Bro. Mike.
Sabi naman ng kolumnistang si Ramon Tulfo, dapat sisihin ang mga taong nagharap sa kanya sa publiko at pinagbasa pa ng biblia. Oo nga! Peace!