Advertisers
AS expected, mga suki, walang humpay na ang pag-atake ng dating presidential spokesman ni Digong Duterte kay Pangulong “Bongbong” Marcos matapos sibakin ang kanyang maybahay sa board ng PAG-IBIG.
Ang huling tirada ni Roque kay PBBM: Atras-abante raw ito sa pag-ban sa lahat ng ahensiya ng gobyerno sa pag-entertain sa sinumang imbestigador ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kinakaharap na kasong ‘crimes against humanity’ ng dating pangulo.
Ito’y matapos mabunyag na 2022 pa pala labas-pasok sa Pilipinas ang mga taga-ICC, nag-iimbestiga sa mga kamag-anak ng mga biktima ng extra-judicial killings kaugnay ng ‘war on drugs’ noong pangulo si Duterte (2016-2022) at sa Davao Death Squad (DDS) noong alkalde ito ng Davao City.
Nakumpirma rin, base sa panayam sa isa sa mga testigo ng ICC na si Arturo Lascanas, ang retiradong pulis na naging closed-bodyguard at hitman ni Duterte sa DDS, na siguradong maiisyuhan ng arrest warrant si Duterte at ilang kasabwat niya sa mga nangyaring patayan noong nasa kapangyarihan ito.
Birada pa ni Roque, sa patuloy daw na pag-isnab ni PBBM sa kanyang mga apela na gumawa ng polisiya at deklarasyon para hindi makipag-ugnayan sa ICC sa mga ligal na dokumento, “nakalalaki” na raw ito. Araguy!!! Kala mo naman siya tunay na lalaki? Aminin!!! Hehehe…
“Honestly, I have no intention of insulting PBBM, the person I supported in the 2022 presidential election and has supported until now. The issue has nothing to do with machismo. It has everything to do with preserving our national sovereignty from foreign intrusion,” sabi niya, na kunwari ay concerned kay PBBM.
“As head of State and government, I wish PBBM would be consistently decisive concerning threats to our national sovereignty and security. Thus, I appeal to him to put the policy of non-cooperation with the ICC into writing,” pagbuyo pa niya sa Pangulo.
Sa akin lang, dapat ginawa rin ito ni Roque nung sila ang nasa poder sa paghari-harian ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ang ipinagtataka ko lang dito ay kung bakit tila takot na takot sila sa ICC.
Kung totoong wala silang ginawang mga pagpatay noong nasa power si Duterte, harapin na nila ang ICC para malamanan ang buong katotohanan at matapos na ang isyu. Aba’y pinag-uusapan na tayo sa buong mundo.
Hindi obra na igiit ni Duterte na wala nang paki ang ICC sa Pilipinas dahil hindi na nga ito miyembro ng foreign court. Pero kumalas lamang ang Pilipinas sa ICC nang iniimbestigahan na si Duterte sa mga reklamong patayan, na ayon sa human rights group ay higit 36,000 ang biktima pero sabi ng PNP higit 6,000 lamang.
Balikan natin ang mga pagputak ni Roque, sa ginagawa niyang ito na paghamak kay PBBM…baka mamaya niyan ay ipakalkal ni PBBM ang mga naging kontrata nila sa gobyerno noong sila ang sa Malakanyang. Hmmm…
Sabi nga ng super-ate ni PBBM na si Senador Imee: “Huwag ninyong galitin ang Pangulo…”
Subaybayan!