Update ng listahan ng senior citizens sa 896 barangay sa Maynila, utos ni Mayor Honey
Advertisers
BINIGYANG direktiba ni Mayor Honey Lacuna si Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) head Elinor Jacinto para mag-update ng listahan ng senior citizens sa 896 barangays sa kabisera bansa.
Inanunsyo rin ng alkalde na nagsasagawa na ng consultative meetings sa anim na distrito ng Maynila upang tiyakin na ang umiiral na listahan ng lungsod ay updated.
Dahil sa updating, tiniyak ni Lacuna na ang mga lehitimong nakatira lamang sa Maynila ang nasa listahan, ang mga namatay na o lumipat ng tirahan ay ipagbibigay alam; samantala ang mga kalilipat pa lamang at naging senior na ay isasama sa listahan.
Hinikayat ni Lacuna ang mga barangays, partikular ang mga kapitan, secretaries at treasurers na dumalo sa nasabing meeetings.
Ganito rin ang sinabi ni Jacinto, ayon sa kanya ang nasabing meetings ay napakahalaga, lalo na’t ang mga pinuno at treasurers ng bawat barangay ang siyang nagpapatupad ng payout para sa senior citizens’ allowances.
“Layunin ng mga nasabing pagpupulong na maisaayos at maiwasto ang inihahanda naming senior allowance payroll para sa mga buwan ng Enero, Pebrero, Marso at Abril 2024,” paliwanag ni Jacinto.
Nabatid na ang consultative meetings ay ginagawa bago isagawa ang payroll ng senior allowances.
Ang schedules ng nasabing meetings ay ang sumusunod: Feb 21, 22, 23, 27, 28 & 29, 2024.
Sa ilalim ng social amelioration package (SAP) ng lungsod ng Maynila, mayroong 179,000 senior citizens sa Maynila na tumatanggap ng P500 monthly financial assistance para makatulong sa kanilang gastusin. (ANDI GARCIA)