Advertisers
SINABI kahapon ng Department of Health (DOH) na mababa lamang ang risk o panganib na mahawa ng anthrax ang isang tao, kasunod ng mga report na nakakapagtala ng pagtaas ng suspected anthrax cases sa bansang Laos.
Ayon sa DOH, masusi na nilang minu-monitor ang pagtaas ng anthrax cases sa ibayong dagat.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Department of Agriculture (DA) hinggil sa pagsasagawa ng preventive measures para sa mga hayop, kabilang na ang livestock.
Ipinaliwanag naman ng DOH na ang anthrax ay hindi mabilis kumalat ng person to person, gaya ng sipon o trangkaso.
Sinabi ng DOH, karaniwan nang apektado nito ang mga livestock gaya ng baka, kambing at tupa.
Ang mga beterinaryo, magsasaka at mga livestock personnel naman anila ang may mas malaking panganib na dapuan ng anthrax.
Dahil ang panganib ng anthrax ay sa ispesipikong populasyon at trabaho lamang, ang available umanong bakuna laban dito ay hindi para sa general population.
Pinayuhan naman ng DOH ang publiko na upang hindi mahawa ng anthrax ay iwasan ang pagkain ng mga raw o hindi lutong karne o meat products, at iwasang magkaroon ng contact sa mga livestock o sa mga labi ng mga hayop.
Samantala, iniulat rin naman ng DOH na mayroon lamang 82 na hinihinalang anthrax cases na naitala sa Pilipinas mula Enero 1, 2017 hanggang Disyembre 31, 2023 habang wala namang naiulat na anthrax health events mula 2019 hanggang 2021, gayundin mula Enero 1 hanggang Marso 29, 2024.
Ang anthrax ay dulot ng bacterium na tinatawag na Bacillus anthracis, na nagpo-produce ng spores. (ANDI GARCIA)