Advertisers
Kinakikitaan natin ng kaunting usok na maaring magliyab at maging malagablab na apoy ang ibubunga ng mga bidding sa mga “module” na dapat gamitin muna ng ating mga mag-aaral ngayong panahon ng pandemiya.
Kwento kasi ng isa sa ating kabaro na nakasaksi ng bidding diyan sa dulo ng Luzon tila nagpipista ang mga gurong miyembro ng Bids and Award Committee (BAC) dahil sa dami ng mga materials at supply na iniaalok sa mga supplier at mga contractor, at may pagkakataon silang ibigay ang kontrata sa makakapagbigay din sa kanila ng magandang komisyon.
Dangan kasi, imbes na “printing job” o pagiimprenta lamang ng mga module ang ipabi-bid, nahati-hati ito sa mga materyales na kailangan para maimprenta ang modules gaya ng printer, tinta, coupon bond o papel atbp.
Di natin malaman ang naging rason nito, kung bakit pa pinahirapan ang ating mga guro sa pagpapalabas ng module na ipapamahagi sa ating mga mag-aaral na sa bahay lamang dapat muna magsipag-aral upang maka-iwas sa COVID-19. Ganun napakabilis lamang ito kung ipapaimprenta kaysa sila (mga guro) ang gagawa pa nito.
Parang naging daan pa kasi ito, para maturuan ang ating mga guro na sumama sa kalakaran ng komisyon oops korupsiyon pala, sa pamamagitan ng pag-pabor sa alok o bid ng kilala nilang mga supplier o contractor.
Kung printing job lang kasi ang ipapa-bid, mapapadali ang pamimigay ng mga module sa ating mga estudyante kaysa kung bawat guro pa ang magiimprenta ng mga ito.
Sa nangyaring bidding sa dulo ng Luzon na aking nabanggit, halagang P35 milyong piso lang naman ang ini-alok sa mga supplier o mga contractor kung saan hinati ang mga ito sa limang lote. Meaning, limang kontrata ang ibinid out o ianalok sa bidding na nangyari noong huling linggo ng nakaraang buwan.
Sa lima ring sumaling suppliers at contractors, kataka-takang iisa lamang ang naka-corner ng limang kontrata. Yuon pa daw na mali ang pagkaka-intindi sa paraan ng bidding o bidding procedure, kaya dapat ay hindi ito maging kwalipikado. Bukod kasi sa pagkakamali na sundin ang paraan ng bidding kataka-taka rin ang presyo na inalok nito na sobrang pagkababa-baba.
Kung ang ipina-bid na lang ay ang pag-iimprenta ng mga module, siguradong mapupunta ang kontrata sa pinaka-mahusay na printer at pihadong maganda ang kalalabasan ng mga module na gagamitin ng mga estudaynte sa probinsiyang mahina ang ‘internet’.
Paano nga naman magagawa ang mga modules sa murang materyales na idedeliver ng pinaburang supplier? Eh di palpak lamang ang kalalabasan ng inimprentang mga module.
Yan usok na yan pag-lumaki magiging apoy. Abatan niyo na.