Advertisers
HINDI nakapalag sa mga awtoridad ang isang ‘pekeng pulis’ habang kinukuhanan ng larawan ang kanyang sarili suot ang tshirt na may tatak sa harapan na ‘Pulis’ matapos mabigo na maipakita ang kanyang pagkakakilanlan bilang isang tunay na alagad ng batas.
Kinilala ang suspek bilang alyas Jefferson,38, siya ay nahaharap sa mga reklamo para sa Usurpation of Authority at Illegal Use of PNP Uniform. Naganap ang pag-aresto sa humigit-kumulang 11:00 AM ng Abril 8, 2024 ( Lunes) sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Ayon sa inisyal na ulat, napansin ni PSSg Jeffrey S Tupil, kasalukuyang nakatalaga sa DTU, SPD, ang suspek habang sakay siya ng bus sa kahabaan ng Coastal Road. Napagmasdan nito suspek na nakasuot ng PNP Athletic Uniform (upper), jogging pants, at tsinelas, at tila kahina-hinala ang kilos habang nagse-selfie.
Pagdating sa PITX Terminal, nilapitan ni PSSg Tupil ang suspek at hiniling ang kanyang PNP identification card, na hindi naibigay ng suspek.
Bilang tugon, agad na nakipag-ugnayan ang PSSg Tupil sa Sub-Station 2, Parañaque CPS kung saan ay agad na nagtungo sina PCpl Godio at Pat Soliveres kinaroroonan ng suspek at sa kanilang pagdating, mabilis na dinakip ng mga rumespondeng pulis ang nagpanggap na pulis at dinala sa himpilan para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Pinaalalahanan ng Southern Police District ang publiko na tanging mga bonafide na miyembro ng Philippine National Police ang awtorisadong magsuot ng uniporme ng PNP. Mahigpit na ipinagbabawal ang hindi awtorisadong pagsusuot ng uniporme at sinumang mahuhuli ay mananagot sa krimen sa Usurpation of Authority sa ilalim ng RPC Art. 177 (Usurpation of Authority of Official Function) at Art. 179 (Ilegal na Paggamit ng Uniporme at Insignias). (JOJO SADIWA)