Advertisers
MAINGAY si Vice President Sara Duterte-Carpio sa pagtatanggol sa puganteng si Apollo Quiboloy, ang lider ng iniimbestigahang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at Sonshine Media Network International (SMNI), pero tameme siya sa mga pambu-bully ng China sa ating mga mangingisda at pag-aangkin sa mga sakop na karagatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Oo! Nang tanungin si VP Sara kung ano ang kanyang komento sa ginagawang pangha-harass ng China militia vessels at China Coast Guards vessels sa mga mangingisdang Pinoy at sa mga barko ng Pilipinas sa WPS partikular sa bahagi ng Ayungin Shoal kungsaan hinaharang ang mga supply boat para sa ating mga sundalo sa nakabarang BRP Sierra Madre, ang tanging nasabi niya ay: “No comment. I think the statement of Cong. Paolo Duterte about me and the West Philippine Sea is comprehensive.”
Ano nga ba ang sinabi ng kanyang utol na si Cong. Paolo para kay VP Sara sa isyu sa WPS?
Ito ang sinabi kasi ni Cong Paolo: “It is not the job of the Vice President or the Secretary of the Department of Education to demonize China.”
Kung ganun… trabaho ba ng Vice President ang ipagtanggol ang isang pugante tulad ni Quiboloy na lantarang binabastos ang Senado, ang House of Representatives, at si Presidente Bongbong Marcos?
Nandoon na tayo na kaya niya ipinagtatanggol si Quiboloy laban sa mga nag-aakusa at nag-iimbestiga sa pastor ay dahil malaki ang natitutulong sa kanilang pamilya nito tuwing eleksiyon.
Pero siya’y pangalawang pinakamataas na opisyal ng Pilipinas. Trabaho niyang ipagtanggol sa ilalim ng ating Saligang Batas ang bansa laban sa mga nang-aapi at nananakop na ibang nasyon. Mismo!
Paano kung nawala si Pangulong Marcos, Jr. at uupo siyang pangulo, pababayaan nalang niya ang China ships na sagasaan ang mga mangingisda at mga barko ng Pilipinas sa mga karagatang nasa loob ng ating exclusive economic zone sa WPS?
Pababayaan nalang niya na tuluyang mabulok at lumubog ang BRP Sierra Madre sa Ayungil Shoal para tuluyang maangkin ng China ang naturang bahura?
Hindi ganitong klaseng opisyal ang kailangan ng ating bansa. Dapat mag-isip-isip na ang mga Filipino sa paghalal ng katulad ni Sara Duterte. Nakakatakot siyang maging Presidente ng Pilipinas, baka mangyari ang paulit-ulit na sinasabi noon ng kanyang ama, ex-President Rody Duterte, na gustong maging probinsiya ng China ang Pilipinas. Araguy!!!
***
Malaking hamon sa bagong PNP Chief, General Rommel Marbil, ang talamak na oil smuggling at mga “paihi” ng langis sa Laguna, Batangas, Navotas at Bataan.
‘Pag nabuwag ni Marbil ang mga sindikatong ito sa paihi at oil smuggling, matutuwa ng husto si Pangulong Marcos Jr sa kanya. Mismo! Do it, General!