Advertisers
MUNTING anghel kang sa mata ay namalas,
Ama at Ina mo ay manghang-mangha, sa tuwa ay gilalas,
At itinatanong, paano ka nalikha, sa Diyos ay nagpasalamat.
Isang araw, mga linggo, mga buwan ay lumipas;
Bunso ko, kaybulas mo, mga biloy sa pisngi ay munting perlas,
Ngiti mong kaytamis, tumutunaw sa hirap na dinadanas.
Ikaw ay minahal, higit pa sa sariling buhay,
Munting mga daliri’y kaysarap hawakan,
Mandin ay mabangong bulaklak sa halamanan.
Ah, ikaw nga Bunso ay handog ng Maykapal
Sa mga magulang mo, ikaw Bunso ay kayamanan
Galak sa puso ng iyong kaangkan, walang pagsidlan.
Bunsong isinilang sa buwan ng tagsibol
Paruparo at bubuyog sa mga bulaklak umiirog
A, kay-asul ng langit sa tuwa ay umaawit,
Ngunit ngayon ay umiiyak, naghihinagpis.
Paano ay isang gabi, hindi ka na ngumingiti;
Inaapoy ka ng lagnat, mata’y laging nakapikit,
Umuungol sa pag-ubo; kaylamig ng iyong dibdib.
Malungkot ang doktor nang sabihin
Ikaw ay dinapuan ng sakit, sa mundo ay kumikitil
Lagaslas ng mga luha ng Ina mo ay hindi mapigil!
Hawak ng Ama mo ang iyong mga kamay,
Bunso, anak ko, gumaling ka, kanyang dasal
Amang Diyos, ‘wag po Nyo siyang pabayaan.
O, Bunsong anak ng tagsibol,
Ngumiti ka, anak, ikaw ay bumangon;
Hahabulin natin sa paglipad ang mga ibon
A, bakit mo ipinikit ang bilugang mga mata?
Bubuyog at paruparo, ating hahabulin
Ipanghuhuli natin ay ang halakhak mong mataginting
A, bakit ka pa ngayon, mawawala sa aming piling
Kung kailan sumisibol ang mga bukong-bulaklak
Kung kailan, sasabog ang hanging humahalimuyak?
Iyak mo ay wala, ni ang matamis na halakhak;
Sa paglagas ng mga daho sa tabi ng ‘yong puntod
Ay isinulat: Anghel kang binawi ng Amang Diyos
Sa Ina at Ama mo, sa bisig nila ay tahimik
Kang inihandog sa maluwalhating langit
Ng di-mapapawing Pag-ibig!
Malaya na sa sinapupunan ng Ama
Ang kaluluwa mo ay nasa kandungan Niya.
***
Bigyan naman po natin ng espasyo ang ilan sa mga reaksyon at opinyon ng mga masugid nating tagasubaybay:
1)Ang Pilipinas ay isang bansang taun-taon kung bisitahin ng mga bagyo. Hindi na bago sa mga Pilipino ang malawakang pagbaha, pagkawala ng kuryente at ang samu’t-saring sakit na naglilipana tuwing tag-ulan. Ang tanong ngayon, bakit marami pa rin sa ating kababayan ang di marunong makinig sa paalala ng pamahalaan? Ang pagdaan ng bagyong Ulysses ang nagpatunay na sa kabila ng mga paghahanda at pag papaalala ng kinauukulan ay hindi pa rin ito epektibo sa ilan sa ating mga kababayan tulad ng nangyari sa Cagayan at Isabela kung saan marami ang na-trap sa kanilang mga kabahayan. Para saan pa ang pre-evacuation na ginagawa ng gobyerno kung di rin natin susundin at ang ending sabay-sabay ang pagpapasaklolo kapag rumaragasa na ang epekto ng bagyo. Ang masaklap pa nito, kahit anong gawin tulong ng gobyerno andyan pa rin ang mga aktibistang rally lang makikita, subukan kaya nilang mag-search and rescue at sabayan na rin nila ng relief operations kaysa dumaldal sa rally buong maghapon. Hindi ko sinasabing Anakbayan sa UP Diliman ito pero parang ganon na nga siguro. (from: Nica Amorsolo of Rizal Technology University)
2)Malinaw na ayaw ng senado na bawasan ang pondo ng NTF-ELCAC, bagay na ipinagpipilitan ni Sen. Risa Hontiveros. Ang punto kasi ni Sen. Hontiveros, tapyasan ang pondo ng ELCAC para sa rehabilitasyon at maipamahagi sa hinagupit ng bagyong Rolly. Ang tanong dito, bakit tila mainit ang senadora sa pondo ng NTF-ELCAC? Gaano ba kalaki ang pinsalang naidulot ng bagyong Rolly, higit pa ba kaysa sa bagyong Yolanda? Mahirap ang maperwisyo ng kalamidad, pero hindi naman siguro patas para sa iba pa nating kababayan na nakaranas ng hagupit ng iba’t-ibang bagyo na tanging sa nasalanta lang ng bagyong Rolly gustong ibuhos ang pondo. Bakit pakikialaman ang pondong nakalaan para sa mga lugar na matagal ng napeperwisyo hindi lang ng bagyo kundi ng mga komunistang terorista?(from: Zenaida Laquian of Binondo, Manila)
3)Ibinasura ng Department of Justice ang reklamo kay Joma Sison at sa iba pa nitong kasamang representante ng iba’t-ibang grupo kabilang ang Anakbayan. Kawalan daw ng ebidensya ang isa sa dahilan sa pagbasura sa reklamo ni Relissa Lucena at ng PNP. Sa ganitong pagkakataon, ano nga ba ang tingin ng publiko sa ganitong uri ng kaso? Patas na desisyon ba ito ayon sa batas na ipinatutupad ng DoJ o isang kasong hindi nabigyan ng tamang desisyon sa hukuman? Sa parte ng isang ina, hindi makatwiran na mabaliwala ang ganitong kaso lalo na at hindi man lang niya nabawi ang kanyang anak. Paano pa kaya ang maraming magulang na may katulad na sitwasyon tulad kay Lucena? Paano pa kaya ang mga magulang na may lakas na sana ng loob para ilaban ang karapatan nila sa kanilang anak gayung hindi rin naman pala ito papansinin at bandang huli ay babaliwalain? (from: Mae Isidro of Magpet, Cotobato)
4)Nakapagtataka lang kung bakit tahimik ang Commission on Human Rights sa pagpatay kay Lianga Indigenous People Mandatory Representative Jumar “Datu Nahikyad” Bucales. Malaki ang ambag ni Bucales para sa dekalidad na edukasyon ng mga bata, kabilang na ang dalawang Indigenous School na pormal nang naibigay sa komunidad ng Lianga at Marihatag. Napaisip rin ako kung bakit si Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat na isa ring katutubo ay tila nagkibit-balikat lang sa nangyari. Hindi ba at nasa gobyerno siya para ipagtanggol ang mga tulad nyang katutubo? Panawagan ko kay Cullamat, wag ka magbulag-bulagan at gawin mo ang tungkulin mo. Sayang naman ang pagkaluklok sa iyo kung interes pampulitikal lang ang inuuna mo. Hindi ka na sumasalamin na representante ng mga katutubo. Dumagdag ka na ba talaga sa mga buwaya na nasa gobyerno? (from: Aida Ecleo of Surigao del Sur)
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.