Advertisers
Delubyo ang sumapul sa marami nating mga kababayan sa tatlong bagyong dumaan na nagdulot ng ibayong pagbaha lalo na sa ibaba ng mga kabundukan sa mga kanayunan.
Sa iba pa ngang lugar, ang tubig baha ay may kaakibat na malalaking putol na troso na siyang bumangga at nagpaanod sa mga kabahayang inikutan ng pagbaha.
Trosong galing sa walang habas na pagpuputol ng mga ganid na illegal loggers. Paano natin maaampat ang matinding pagbaha kung ang ating mga kagubatan at kabundukan ay kalbo na sa mga punong dapat ay sumisipsip ng tubig ulan.
Marami na ang nakagawa ng mga programang “tree planting”, ngunit kung tutuusin ni hindi pa ito nagsisiyabong o ganap ng puno ay pawang itinumba rin ng bagyo at tubig baha.
Ito ang nais gawing muli ng ating pamahalaan. Ang pag-ibayuhin pa ang pagtatanim ng mga puno. Ito ay kahandaan sa mga darating pang malalakas na bagyo at pagbaha.
Kaya nang magsama-sama sa pagpupulong ang Department of Interior and Local Goverment (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR) iminungkahi ng dalawang kagawaran na makipag-tulungan din ang Department of Education (DepEd) at Commissionon Higer Education (CHED) upang atasan ang lahat na estudyanteng magtatapos ng pag-aaral na magtanim ng puno bago maka-graduate.
Malaking bagay nga naman ito, kung ang lahat ng mag-aaral, sa elementarya at high school at maging sa mga kolehiyo at unibersidad ay magtatanim muna ng puno bago maka-graduate, ay milyong puno rin ang maitatanim.
Kasabay nito ang mungkahi ni DILG Secretary Eduado Ano, na atasan na rin ang bawat Filipino na magtanim ng puno kada anim na buwan. Kung tayo raw ay 110 milyong Filipino na sa ngayon, ang pagtatanim ng puno ng bawat Filipino ng dalawang beses sa isang taon, ay mangangahulugang mayroon tayong mahigit na 200 milyong puno kada taon.
At sa paglipas ng mga taon, ang mga naitanim nating mga puno ay siguradong magliligtas na sa matinding pagbaha para sa mga susunod pang henerasyon.
Maging si Department of Transportation Secretary Arturo Tugade ay nagmungkahi rin, na gawing requirement ang pagtatanim ng puno tuwing kukuha ng prangkisa o lisensiya ang mga Filipinong nabibilang din sa hanay ng transportasyon.
Long-term solution ang tawag dito, para maiwasan mangyari muli ang malalang pagbaha na na-experience sa Cagayan at iba pang lalawigan at lungsod. Isabay na rin natin dapat diyan ang mahigpit na pagbabantay sa ating mga kagubatan at kabundukan upang matigil na ang illegal logging.