Advertisers

Advertisers

Timeless 2

0 15

Advertisers

Ni NICK NANGIT

NAANYAYAHAN muli ako ng Lungsod ng Maynila na magtanghal ng Timeless 2 sa darating na Hunyo 2024!

Bakit espesyal ito?



Dahil tatlong kaganapan ang ipagdiriwang ng lungsod.

Una, yung Araw ng Kalayaan ng ating bansa. Pangalawa, yung Pagdiriwang sa Pagsilang ni Dr. Jose Rizal. At pangatlo, yung Araw ng Maynila mismo.



Kaya’t minarapat nating makipag-ugnayan muli sa Curator ng Manila Clock Tower Museum (MCTM) na si Dr. (and Atty.) Elba Cruz at sa bubuo ng team, para makapaghandog tayo ng isang konsiyertong sana’y magustuhan hindi lamang ng mga taga-Maynila kundi maging ng lahat ng bisita, kaibigan, at Kabunganga Nicksters sa buong mundo!

Naisipan namin na gawang tema ang kasaysayan at pag-unlad ng Musika sa ating bansa. Hindi mababaw na pagsasalaysay, kundi madamdaming paglalahad at pagbubukas-kaisipan ng lahat sa galing at ganda ng ating sariling kalinangan.



Nandiyan ang tugtugin ng mga katutubo, lalo na ng mga taga Mindanao, na kadalasa’y hindi masyadong binibigyang pansin, subali’t napakamakulay at mayaman sa kultura  Hindi lamang ninyo maririnig ang ilan sa kanilang mga instrumento at huni, kundi pagbubuklurin namin ang tunog ng mga teklado sa isang kakaibang presentasyon.

Bukod pa riyan ay maririnig din ninyo, sa kauna-unahang pagkakataon, ang ilang piling-piling musika – at hindi lamang kundiman o harana – na may tatak ng Kastila, dahil nga sinakop nila tayo ng mahigit 300 taon, kundi yun bang indak na isinulat at ipinadala sa aking sulatroniko ng mismong nag-areglong taga-Russia at taga-America.

Masusundan ito ng tugtog na masasabi nating pinagmulan ng jazz o rhythm and blues na siyang impluwensiya naman sa atin ng mga Amerikano.

At dahil namuno rin dito sa atin ng ilang taon ang mga Hapon, maririnig din ninyo ang kakaibang bersyon ng isa sa pinakasikat nilang tugtugin, lalo na’t pag Tagsibol na.

Isusunod din natin ang impluwensiya ng mga pangkasalukuyang tunog mula Broadway hanggang Disney, at hindi natin palalagpasin ang OPM. Ang isa sa maririnig ninyo ay naging sikat na tema pa nga ng isang teleserye.

Hindi mabubuo ang Timeless 2 kung hindi tayo sasamahan ng isang kilalang tenor at isang cross-over R&B singer na magsasanib-pwersa sa kakaibang kanta na tiyak magugustuhan ninyo.

May koro din sa kumpas ng isang napakahusay na conductor at, higit sa lahat, habang ginaganap ang konsiyerto, ay mapapanood ninyo mismo ang mga resident artists ng MCTM na naglalarawan ng tema sa loob ng humigit kumulang isang oras at kalahati at, kung tayo’y papalarin, may sasayaw pa, para kumpleto ang paggana ng inyong mga senses sa pagnamnam ng kayamanan ng ating sining, musika, at kultura!

Yun na muna. Subaybayan ninyo ang mga susunod pang sopresa sa mga darating na linggo. Libre po itong Timeless 2, kaya’t lahat ay imbitado ng lungsod, handog hindi lamang ng MCTM at ng Maynila, kundi maging ng 3PM Pilipinas Muna, ng 89.5 The Playroom, at marami pang iba!

Suportahan natin ang sariling atin!

Mahalin natin ang ating bansa!

Sali rin kayo sa KKK Live at panoorin ang mga vlogs ng Nickstradamus channel sa YouTube, ayon sa gusto ninyong playlist, para matuto at matuwa sa mga inihahandog naming paksa. Hanggang sa muli, Light LIve and LIfe, lalo na kay R, Namaste!