Advertisers
Sa kabi-kabilang pagsubok at delubyong dumating sa ating bansa, minsan pang pinatunayan ng mga Pinoy ang kanilang tibay, lakas at tatag… subok na matibay, subok na matatag…ika nga.
Bukod sa pandemya ng covid-19 na halos siyam na buwan natin iniinda ay sinundan pa ito ng pitong bagyong lalong nagpahirap sa atin nito lamang Oktubre at Nobyembre.
Partikular sa pandemic at mga bagyo, sinundutan pa ito ng lindol na may lakas na intensity 6 sa Mindanao nito rin buwang kasalukuyan. Mabuti na lang at hindi ito masyadong naka-paminsala.
Sa pandemya pa lang ay labis na tayong pinahirapan sa loob halos ng siyam na buwan at hindi pa rin ito natatapos. Maraming buhay na rin ang nawala, libong mamamayan natin ang nawalan ng trabaho at hanapbuhay at kasalukuyang marami rin ang naaabala.
Bunga rin ng pandemyang ito kung kaya’t maraming kompanya ang napilitang magsara. Apektado rin siyempre ang ating mga kababayan na niraraos lang na makakain ng tatlong beses sa isang araw.
Sa kabila ng lahat ng ito ay buong tapang na hinarap natin mga Pinoy ang hirap ay sakripisyo na sa awa naman ng Poong Maykapal ay nalalagpasan naman at napapagtiisan maski na papaano.
Mantakin niyong sa gitna ng pandemya ay hinambalos pa tayo ng mga bagyong ito na lubhang nagdulot ng panibagong kahirapan partikular na sa mga kababayan natin sa Bicol, Quezon at halos sa buong Luzon.
Malaking baha, kawalan ng buhay, kabuhayan at ari-arian ang iniwan ng mga bagyong ito sa malaking bahagi ng Luzon at gayon din sa National Capital Region (NCR).
Hanggang sa kasalukuyan ay nasa masamang kalagayan pa rin ang mga naninirahan sa mga lugar na ito kung kaya’ minsan daw ay naka-karamdam na sila na para bang sila ay pinaparusahan.
Handa naman anila silang mag-hirap at magsakripisyo sa lahat ng dumadating sa kanila ngunit para naman daw inaadya ng panahon na palagi na lamang sila at kanilang lugar.
Labis daw silang pinahirapan ng dalawang huling bagyo na Rolly at Ulysses na hindi lang minsan dumapo sa kanila kundi dalawang beses na dikit.
Hindi na raw nila inaalintana ang kasalukuyang pandemya. Ito marahil ay sa sobrang kahirapan na sa buhay at sa sobrang pighati sa kanilang dinaranas.
Ganon pa man daw ay buong-puso nila itong tina-tanggap, hinaharap at pinagtitiisan hanggang sa abot ng kanilang makakaya.
Sa ganitong sitwasyon din nasubukan ang pagtutulungan at bayanihan ng mga Pilipino na binibigay lahat ng makakayanan hanggang sa inuming tubig at mga damit na hindi man bago basta’t ito ay tuyo at hindi basa.
Ganito kalaki ang puso ng mga Pinoy na handang harapin lahat ang pagsubok sa buhay ke anuman ang dumating. Walang iwanan, sama-sama sa hirap at ginhawa.
Napakahalaga at napakalaking paktor sa ating buhay ang damayan na malaki rin ang posibilidad na maging instrumento upang lumakas ang loob ng maski na sinong tao, di po ba?
Ang mga tumutulong nating mga kababayan ay nagsisilbi rin na inspirasyon at makinarya kung kaya’t sila ay hindi basta-basta na lamang bibigay at susuko. Dito na rin sila kumukuha ng lakas at tibay ng loob sa kanilang pakikipagsapalaran.
Ganyan tayong mga Pinoy…ako, ikaw tayong lahat. Hindi tayo basta na lamang iiyak, bibigay at bibitiw. Konting tiyaga lang, tiis at higit sa lahat ay huwag kalimutang dumaing sa ating Poong Maykapal.
Lalagpasan natin ang lahat ng ito dahil TAYO AY SUBOK NA MATIBAY, SUBOK NA MATATAG.