Advertisers
KALABOSO ang 28-anyos na lalaki nang manghipo ng maselang bahagi ng katawan ng isang bisita sa isang binyagan sa Malate, Maynila.
Kinilala ang naaresto na si Jomari Bautista, may live in partner at residente ng 1212 Meding St., Singalong, Malate.
Ang nagreklamo ay si Catherine Nicole Jaurigue, 20, dalaga, ng nasabi ring lugar,
Sa ulat, dumalo ang dalaga bilang bisita sa binyagan na ginanap sa bahay ng suspek. Habang nasa gitna ng selebrasyon, kumuha ng pagkain ang biktima pero sinundan ito ng suspek at biglang hinipuan sa hita hanggang sa maselang parte ng kanyang katawan.
Sa takot, tumakbo ang biktima at humingi ng tulong sa kanyang mga kaibigan, kungsaan kinompronta ang suspek hanggang sa nagkaroon na ng kaguluhan sa lugar.
Dumating ang mga opisyal ng barangay at mga pulis mula sa Arellano PCP kaya naaresto ang suspek.
Nakakulong sa MPD-PS 9 at sasampahan ng kasong Acts of Lasciviousness ang suspek.(Jocelyn Domenden)