Advertisers
Naghamon si Cong. Alan Peter Cayetano kay Sen. Risa Hontiveros na magbitiw sa Mataas na Kapulungan kung walang makitang anomalya sa kahilingan imbestigasyon sa pinatayong mga sports venue sa Clark.
Nag-red flag na dito ang Commission on Audit at kalakaran na sa mga ganitong proyekto ang porsyento ng mga pulitiko na namamahala.
Mismo ang Philippine Olympic Committee nagsampa ng kaso kontra sa Phil. Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) dahil kinukwestiyon nila ang mga transaksyon nito.
Dinagdag ng dating Speaker na ipakulong daw siya ng senadora kung may makitang mali. Hoy kinatawan ng Taguig (kasama ang asawa sa kabilang distrito) ang dapat ay magbitiw ka rin ora mismo kung may kurapsyon na makita. Yung pagkalaboso mong sinasabi aabutin ng dekada bago magkaroon ng final judgment. Hindi uubra istilo mo sa amin. Bistado ka na pero siyempre hindi ka aamin.
Nauna pa rito ang pagputok ng buchi ng ate niyang si Sen. Pia nang marinig ang motion upang magkaroon ng pagdinig sa isyu.
Halata naman na kampihan ito ng magkakapamilya at magkakaalyado sa pulitika.
Huwag ninyong ipagmalaki ang panalo sa SEA Games. Nagwagi na rin tayo dati na walang ganito kalaking kalokohan.
Magsitino na kasi kayo!
***
Paborito magharap sa PBA Finals ang pinakamalakas ang mga line-up ngayon. Ito ang TNT at Ginebra. Sila rin nag-1 at 3 sa elimination round. Komo wala nga si JuneMarFajardo at nagka-injury rin si Terrence Romeo ay malaki hinina ng San Miguel na naghari sa Philippine Cup ng limang sunod na taon.
Pero tiyak lalaban nang husto ang Meralco at Phoenix.
Magandang match ito ng dalawang koponan mula sa magkaribal na grupo ng mga kumpanya.
***
Nasa GMA na raw ang NCAA. Saganang atin ay tama ang desisyon ng pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Sa TV5 kasi ay 2nd class citizen lang sila sa UAAP na nasa Kapatid Network na rin.
Hindi rin kaya pantayan ng istasyon ni MVP ang malawakang abot ng Kapuso Network. Bagama’t sa GMA News TV ipapalabas ang mga laro sa double round elims ay sa mismong Channel 7 mapapanood ang playoffs at championship.
Nandiyan pa ang cross-promotions at gagamitin din ang star power ng broadcasting giant.
Tingnan natin kung magresulta ito ng pagbabalik ng NC sa dati nitong katanyagan kahit wala na sa kanila ang Ateneo at La Salle.