Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
SECOND movie pa lang ni Belladonnas member na si Chloe Sy ang Anak ng Macho Dancer at aminado siyang kinabahan at natakot nang naisip niya ang gagawing daring scene sa naturang pelikula.
Kuwento ng magandang newbie actress, “Medyo kinabahan po na parang natatakot… Na tinanong ko ang sarili ko noong gabi, kung kaya ko ba ito? Tinanong ko po sa salamin, pero wala na eh, nandito na, hindi na ako puwedeng umayaw if ever na hindi ko kaya. Kaya po kailangan kong kayanin talaga.
“So, nilakasan ko po talaga ang loob ko, number one po iyon, para hindi ako mapagalitan ni Direk Joel,” nakangiting wika ni Chloe.
“Bale, pangalawang movie ko na po ito, yung una po ay iyong Codep,” aniya pa ukol sa kanilang advocacy film na pinamahalaan ni Direk Neal Tan na tinampukan ng Primadonnas at Clique V.
Ang Anak ng Macho Dancer ay tinatampukan ni Sean de Guzman at mula sa pamamahala ng premyadong director na si Joel Lamangan.
Tiniyak din ng aktres na kaabang-abang ang pelikula nilang ito. “Ibang Chloe po ang makikita nila rito, marami pong aabangan sa akin sa movie, pero secret muna po, hahaha!”
Ano ang role niya sa movie? Love scene ba ang ginawa niya rito?
“Ang role ko po rito ay yung girlfriend po ni Ricky (Gumera).”
Saad pa niya, “Puwede na bang sabihin? Bed scene po iyong sa amin ni Ricky, iyon po ang isa sa aabangan nila sa film na ito. First time ko po kasi na nag-bedscene.”
Ipinahayag din niyang masaya siya sa nakuhang break ng kapatid niya sa talent management na si Sean.
“Super po, sobrang happy po ako para kay Sean, deserve niya po ito, mabait po kasi siya. Alam kong pinaghirapan niya ito at gusto niya ito,” masayang pahayag pa ng aktres.
Sina Chloe at Sean ay kapwa nasa pangangalaga ng 3:16 Events and Talent Management ni Ms. Len Carillo.
Ang pelikulang Anak ng Macho Dancer ay mula sa The Godfather Productions ni Joed Serrano.
Tampok din dito sina Allan Paule, Jaclyn Jose, Rosanna Roces, Jay Manalo, William Lorenzo, Emilio Garcia, Ricky Gumera, Charles Nathan, David Schion, Miko Pasamonte, Niel Suarez, at iba pa.