Advertisers
PATULOY ang pag-ikot ng mundo. Ang panahon lang ang nagbago dahil sa pakikialam ng tao sa kalikasan at sa likas na yaman nito. Hindi nailayo ng tao ang nakasanayan at madalas binabalikan ang nakaraan dahil kahawig ito ng kasalukuyan.
Maraming pangyayari ang naranasan at maraming pagkilos na ang nasaksihan. Nariyan pa rin ang mga kabataang sumisigaw ng mga anti-government slogan na kahalintulad ng dati at ang tanging pagkakaiba’y kung sino ang pinoprotesta. Malinaw na magkakawing ang mga pangyayari noon at sa ngayon.
Sa paraan ng protesta naroon pa ang mga malalaking tarpaulin at streamers na nagpapahayag ng pagtutol sa polisiya ng pamahalaan. Hindi kataka-taka na aktibismo ang taguri sa pagtutol na ito kontra sa pamahalaan.
Sa pagtingin, ang tanging pagkakaiba’y sa kasalukuyan at sa nakaraan; ang taguri sa mga kumikilos sa mga protesta’y mga millennials na, habang noon ay mga tibaks. May pagkakaiba man sa tawag isa pa rin ang hinaing at isinisigaw, ang ibagsak ang rehimeng diktadurya.
Ang pagkilos na ginagawa ng mga kabataan kontra pamahalaan ay nakatutok sa mga programang nakikita na suliranin ng bayan. Mariyan ang mga issue tulad ng karapatan pantao, katatagan sa trabaho at laban droga. Ilang beses ng idinaan sa dayalogo at usapan ang mga pagkilos subalit parang walang pagkilos ang pamahalaan ni Totoy Kulambo sa mga inilapit na mga mungkahing solusyon.
Walang pagtutol ang madla laban sa droga. Ang pamamaraan nito ang siyang tinututulan dahil hindi dumadaan sa proseso ang mga napagsuspetsahan na gumagamit at nagtutulak ng bagay na ito. Dahas ang pinapairal at madalas hindi na umaabot sa presinto o sa litisan ang mga napagsuspetsahan at sa mismong pinaghulihan, sinisintensyahan na ng kamatayan.
Parang hindi tama? Dahil may tama na sa ulo at katawan.
Hindi lang kabataan ang maingay pagdating sa protesta. Nariyan din ang mga obrero na humihingi ng katatagan sa paghahanap-buhay. Ang mga pagkilos na ito’y bunga sa kawalang-galaw ng pamahalaan na tugunan ang mga hinaing ng mga obrero sa maraming usapang naganap mismo kay Totoy Kulambo.
Ikinagalak ng mga orbrero ang pag-usad ng usaping ito sa Kongreso. Binantayan maigi hangang maging isang panukalang batas, subalit hindi ito naging sapat upang maisulong ang kanilang interes. Dahil sa ‘di mawaring pangyayari, ang batas na hinggil sa katatagan sa trabaho’y na veto at hindi pinirmahan ni Totoy Kulambo. Kulang ba ang kilos at pagiging vigilante nila at kinailangang paabutin sa kalsada ang isinusulong na usapin ng kanilang sector.
O’ talagang hati ang sektor na ito at may ayaw na matawag na makakaliwa na karaniwang bansag sa mga aktibista?
Sa pagpasok ng pandemya sa bansa, malinaw na nagkakaisa ang sektor ng pangkalusugan sa pagbaka sa pandemya. Maraming nagsasabi na kulang ang tugon ng pamahalaan upang pigilan ang paglaganap nito sa bansa. At base sa paglilinaw ng sector na ito, naging malinaw Kay Juan Pasan Krus na palpak ang militarismong tugon ng pamahalaan sa pagsugpo ng pandemya. Sumunod ang madla, subalit talagang kulang ang tugon at merong grupo ng mga health workers ang nagpaabot ng pagkadismaya sa pamamagitan ng manipesto.
At sa paglabas ng pagkakadismaya ng mga health workers, ibig pa ng grupo ni TK na baligtarin at ito’y ipinalabas na impluwensyado ng mga aktibistang grupo na ibig ipahiya si TK. Na kahit lehitimo ang kanilang posisyon sa usapin, kinulayan ito ng pula. May pagtatangka din na idikit ang grupo ng health workers sa pag-aaklas dahil hindi marunong magpaabot ng kahilingan sa pamahalaan.
Di ba’t parang may pattern ang pamahalaang ito sa mga hindi sangayon sa kanilang ibig, ‘aktibista, makakaliwa o dilawan’, mamili ka diyan.
Ang kaganapan sa panahon ng tagbagyo, pagpasok ng ika-apat na bahagi ng taon, sumubok sa katatatagan nating mga Pilipino. Pumasok ang mga bagyo na talaga namang binayo ang bansa at lumikha ng maraming pinsala sa buhay at kabuhayan ng marami nating kababayan.
Hindi biro ang pangyayari dahil nasadlak ang marami nating kababayan sa matinding dagok sa buhay. Ang masakit nito ang putik at tubig na umaagos sa bansa ang ginawa ring armas upang batuhin ang mga kumikilos na tumulong sa iba nating kababayan. Ito rin ang ginawang armas ni Totoy Kulambo upang libakin nito si Bise na nagkumahog upang tulungan ang mga biktima ng kalamidad.
Ang kilos pa ng Bise ay kinulayan pa ng pakikipagkompitensya at niratrat ng kung anu-anong paninira. Di naman dapat, dahil ang pagtulong nito’y kusa at walang ibang layon.
Dahil sa epekto nang delubyo at pandemiko, maraming pahayag ang nagisnan ni Mang Juan mula sa iba’t-ibang grupo ng mga mag-aaral sa iba’t-ibang pamantasan na tapusin na ang academic semester. Maraming mga estudyante, maging mga guro ang lubhang apektado ng delubyong dumaan.
Dagdag pa rito ang usapin ng pandemya na siyang dahilan kung bakit nagkaroon ng off-campus classes. Dahil dama ng mga estudyante ang tunay na nagaganap sa bayan, tulad ni Mang Juan, batid nila ang ginawang mga pagkaltas sa pondo ng mga importanteng opisina tulad ng mga nasa research, disaster at maging sa pondo ng pangkalusugan.
Batid din nila ang ginawang pagtaas ng budget sa OP lalo na sa intelligence fund nito. Ang kaganapan ng pagdami ng nasawi kontra C19 at bagyo’y naganap sa kamay ni Totoy Kulambo. Dahil dito ang ibat-ibang grupo ng mga mag-aaral at mga guro’y nagtatawag ng academic strike. Nais nilang ihinto na ang semestre bilang kanilang tugon sa hirap na dinaranas ng ating mga kababayan dahil sa kapalpakan ng rehimeng Duterte patuloy nilang itinatanggi.
Sa kasalukuyan, kaliwa’t kanan ang pangungulay ng pula at dilaw sa mga taong kontra pamahalaan. Dahil ito ang kulay na kapag nagsama baka maganap ang kanilang kinatatakutang pag-lisan sa puno ng Balite sa Malacanan. At sa totoo lang, malaki ang pangamba nila sa kilos ng mga ito dahil minsan sa buhay nila’y naging kasama sila dito.
Kaya’t pinagbabawasan ang mga pondo sa mga Kagawaran na dapat bigyan ng prayoridad at bagkus mapunta sa opisina na mapakikialaman ni TK. Asahan ‘din at bantayan ang maaring gawing pagaamyenda sa Saligang Batas na magpapatagal sa kanilang kinauupuan. Panatilihin natin ang pagiging bigilante at gisingin sa ating mga sarili ang aktibismo. Sa Millenials, panatilihin ang kritikal na kaisipan at kung anuman ang tawag ninyo asahang kaisa ninyo kami.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ating kinakaharap sa kasalukuyan, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com