Advertisers
HINDI pa halos natatapos ang kontrobersyang kinasangkutan ng EEI Corporation dahil sa palpak na trabaho ng ilan nitong mga opisyales at tauhan, may panibago na namang isyu laban sa mga ito na naglalagay ng batik sa maningning na pangalan ng naturang construction firm.
Laman ng balita sa tri-media at social media ang sinapit na malagim na kamatayan ni Edison Paquibot na inanunsyong dead on arrival sa Alabang Medical Clinic sa Muntinlupa.
Nasawi si Paquibot dahilan sa kawalan ng ingat ng mga manggagawa sa job site ng EEI Corp., matapos na mabagsakan ang biktima ng steel girder na binubuhat ng isang crane na inarkila ng naturang construction firm.
Ang EEI Corp. na may siyam na dekada na sa larangan ng construction and engineering industry ang kontraktor ng Php 10-billion Skyway Extension project mula Susana Heights, Muntinlupa patungong Sucat, Parañaque.
Bumabagtas ang sinasakyang motorsiklo ni Paquibot sa East Service Road, Muntinlupa City noong Sabado ng umaga nang mabagsakan ito ng steel girder mula sa pinagkakargahang crane.
Apat na katao pa ang nadamay at nagtamo ng malubhang kapansanan. Ginagamot ang mga ito sa ibat-ibang ospital sa Muntinlupa City samantalang limang behikulo din ang napinsala.
Si Paquibot ay magdidiwang pa sana ng kanyang ika-42 kaarawan kahapon (Nobyembre 22, 2020 )sa piling ng kanyang pamilya sa Bacooor, Cavite nang maganap ang trahedya.
Papasok ang biktima bilang safety officer sa isang proyekto ng kanyang tiyuhin sa Bonifacio Global City nang mabagsakan ito ng steel girder.
Hindi masisisi kung ang pangunahing mapagbuntunan ng batikos ay walang iba kundi ang safety and health standard ng EEI Corporation na may tanggapan sa Manggahan Street, Brgy. Bagumbayan, Quezon City.
Marami na ding naiulat na kapalpakan ang Safety, Health, Environment and Security Department ng EEI Corp. na pinamumunuan ni AVP, Corporate Safety, Health, Environment & Security, Michael D. Arguellles.
Humigit-kumulang pa lamang sa isang buwan ang nakalipas itinuturo ding responsible sa malaganap na pagkakahawahan ng nakamamatay na COVID 19 ng may 62 empleyado ng EEI Corp., ang Safety, Health, Environment and Security department nang di karakang naakyunan ang nasabing problema.
Hindi din nakipag-ugnayan sa barangay, local government unit at local task force ang mga tauhan ni Arguelles upang agad na maapula ang malawakang paglaganap ng COVID 19 sa EEI fabrication yard sa Brgy. Sta Maria, Bauan, Batangas.
Sang-ayon sa ulat ng Bauan, Batangas, LGUs at pulisyang lokal ay nilabag ng ilang opisyales ng EEI Corp. partikular ay ang safety officers ng nasabing kompanya ang safety health standards and protocols na ipinatutupad ng pamahalaan kung kayat lumaganap ang COVID 19 sa kanilang fabrication yard.
Sabit doon ang karamihan sa mga tauhan ni Arguelles at bilang pinuno ng EEI Corp. Safety, Health, Environment & Security, ay higit na malaki ang panagutan nito sa lisyang gawain ng kanyang mga tauhan. Kung may delikadesa lang si Argulles ay dapat nagdemite na ito sa kanyang tungkulin.
Nanawagan na si Senador Joel Villanueva na imbestigahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang safety protocols sa pagtatayo ng Skyway at hiniling din na magpadala ng isang team ng labor inspectors sa Muntinlupa upang matukoy ang anumang pagkukulang sa workplace safety protocols na dumaragdag sa aksidente.
“Isa po sa peligrosong lugar-paggawa ang mga construction site, kaya po mahigpit ang pagpapatupad ng mga safety measure upang siguraduhin na walang aksidente na mangyayari at bawasan ang mga risk factor dahil ito ay maaaring maging mapaminsala.
Ang mga manggagawa po natin ang unang napapahamak tuwing may aksidente sa lugar-paggawa kaya mahigpit po ang pagpapatupad natin ng occupational safety and health standards,” ayon pa kay Villanueva.
Sinabi naman ni Rep. Ruffy Biazon (Muntinlupa), nangangailangan ng agaran at malalimang pagsisiyasat kaugnay sa naturang insidente para maiwasan ang mga katulad nito sa hinaharap. “Ayaw po natin na mabuhay sa ilalim ng panganib ang ating mga kababayan lalo na sa mga bumabagsak na kagamitan at materyales, gawin natin ang Skyway bilang kalsada sa paglalakbay,hindi patungo sa langit”.
Tama at napapanahon nga na magsagawa ng Congressional Inquiry ang Kamara para tukuyin at maparusahan ang sinumang mapapatunayang may kasalanan hindi lamang sa nangyaring sakuna sa Muntinlupa Skyway Project.
Dapat ay isama na din sa pagsisiyasat ang pagkalaganap ng COVID 19 sa fabrication yard ng nasabing kompanya sa Bauan, Batangas na ang tinutukoy din na nagpabaya ay ang Safety, Health, Environment & Security department ng EEI Corp.
May pananagutang kasong kriminal sa mga dalawang insidenteng ito sina Arguelles ng at hindi na dapat pagtakpan pa kung mapapatunayang ang mga ito ay may mga nagawang paglabag sa batas?
Tigilan na sana ng pangasiwaan ng EEI Corporation ang pagtatakip sa ilang nagkasala nitong opisyales at iba pang empleyado.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.