Advertisers
KAMAKAILAN ay pinuri natin si PRO MIMAROPA regional director PBGen Roger Quesada dahil sa pagpapatigil nito sa jueteng at pergalan sa mindoro, marinduque, romblon at palawan.
Pero may bagong sakit na naman ng ulo si RD pagdating sa iligal na sugal.
Ito ay ang pamamayagpag uli ng jueteng/bookies at pergalan ng tayo ay magawi uli sa mindoro province.
Ang nakalulungkot, isang aktibong kernel sa Region 4-B mismo ang itinuturong utak sa likod ng isang alyas Liyag na umiikot ngayon sa Occidental at Oriental Mindoro.
Nais din nating ipaalam kay RD Quesada kung sino itong aktibong pulis kernel na nagbigay ng go-signal kay alyas Liyag na mangolekta ng intelihensya sa financier ng jueteng at sa mga operator ng pergalan sa mga nabanggit na lalawigan na dala-dala ang pangalan ng aktibong Police Colonel at ni RD Quesada.
Maganda sana, Gen. Quesada, Sir, kung paimbestigahan mo ito sa dalawang PNP provincial director mo sa Mindoro province kung sino itong aktibong Police Colonel na naka base diumano sa Police Regional Office 4-B na nagbigay ng pahintulot para sa muling pagbubukas at pamamayagpag ng jueteng, bookies, drop ball, color games at baraha sa hurisdiksyon nina Oriental Mindoro Provincial Director PCol Samuel Delorino at Occidental Mindoro PCol Jun Dexter Danao.
May kasunod pa!
***
Samantala kalbaryo naman palagi ang nararanasan ng mga kababayan natin sa Oriental Mindoro dahil sa nararanasang brownout. Imagine, 5 hanggang 12 oras na walang kuryente.
Mayroon pa palang ganito ngayon na nagtitiis ang mga tao na walang kuryente sa mahabang oras. Paano pa nabubuhay ang negosyo sa OrMin kung panay-panay ang brownout.
Bumabalik yata ang probinsiya sa unang panahon na walang kuryente. Kawawa naman ang mga mamamayan na dahil sa kawalan ng kuryente ay naiiwanan sa pag-unlad.
Ilang taon na ang problemang brownout sa Oriental Mindoro at bakit hinahayaan ng mga namumuno na magdusa ang mga Mindorenyo na mamuhay sa karimlan.
Paano natitiis ng mga lider sa nasabing probinsya na ang kanilang mga kababayan ay walang ilaw, hindi magamit ang mga electrical appliances dahil walang dumadaloy na kuryente.
Ang matindi pa, sa kabila ng nararanasang walang kuryente, mataas pa ang binabayarang konsumo. Nakagugulat na mataas ang electricity bill ng consumers kahit walang naihahatid na serbisyo. Hindi na makatao ang nangyayari na napagkakaitan na ng kuryente ay mataas pa ang babayaran. At dahil sa patay-sinding kuryente, maraming nasisirang appliances.
Ang Oriental Mindoro Electric Cooperative (Ormeco) ang nag-iisang power distributor sa probinsiya. Halos araw-araw na inuulan ng batikos ang kooperatiba dahil sa palpak nilang serbisyo. Subalit tila hindi na nakakaramdam ang mga namamahala sa Ormeco kung paano mapagbubuti ang serbisyo nila.
Subaybayan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.