Advertisers
MAIGING mabasa ni Vaccine Czar Carlito Galvez ang aming munting komentaryo.
Lubhang ambisyoso ang programa sa libreng bakuna na inilatag ng butihing lingkod bayan kontra Covid-19. Aabot sa 50 milyon ang planong bakunahan sa loob ng dalawang taon; 25 milyon sa 2021 at 25 milyon sa 2022. Planong unahin ang mga frontline medical worker (mga doktor, nars, lab technicians, at iba pang sumasagupa sa mapinsalang virus) kasunod ang mga essential worker (mga agricultural at industrial worker), at vulnerable sector (senior citizen, PWD, at mga sanggol).
Takdang isakatapuran ng administrasyong Duterte ang planong mass immunization kontra Covid-19 sa second quarter ng 2021. Ito ay kung makakakuha ng bakuna na maaring ibigay sa mga mamamayan. Ngunit malaking sagabal ang usapin ng budget para sa bakuna. Aabot lamang sa hindi tataas sa P18 bilyon ang kagyat na makukuha upang tustusan ang mass vaccination; P8 bilyon mula sa pambansang budget ng 2021 at P10 bilyon sa Bayanihan Act 2.
Sabagal ang ipinipilit ni Rodrigo Duterte. Gusto niya na tanging sa China kunin ang bakuna. Hindi masagot ng China kung makakapagbigay ito sa Filipinas ng sapat na bilang na bakuna para sa 2021. May suliranin ang China sa bakuna. Napalaki ng kanilang populasyon – lampas 1.3 bilyon. Hindi biro tugunan ang ganyang kalaking pangangailangan.
Kakatwa ang sitwasyon ng gobyernong Duterte. Malamang pagtawanan na naman ito sa buong mundo. Sa China nanggaling ang mapanganib at mapinsalang virus. Mga turistang Intsik ang nagdala dito sa Filipinas, ngunit sa China manggaling at bibilhin ang bakuna. Hindi yata naayon sa maayos na pangangatwiran ang gusto ni Duterte.
Bukod diyan, sikat ang China sa paggawa ng mga pekeng kalakal. Sa kanila nanggagaling ang mga kalakal ng ginagaya lamang, o imitasyon. Hindi natatakot ang China na lumabag sa mga copyright at patente ng maraming kalakal. Maituturing na tulisan sa buong mundo ang China. Kaya bakit sa kanila lang kukunin ang bakuna?
Maiging galugarin ni Galvez at kasamang lingkod-bayan ang buong mundo upang tumuklas ng ibang pagkukunan ng bakuna. Bakit hindi sa Estados Unidos, mga bansa sa Europa tulad ng Britanya, Francia, Italia, o mga bansa sa Japon, South Korea, Taiwan, at India.
Maiging tingnan ang posibilidad ng kumuha ng bakuna sa India sapagkat may tinutuklas sila na murang bakuna. Noong pinag-uusapan sa Kongreso ang Cheaper Medicines Act sa unang bahagi ng 1990, binanggit ang India bilang isang bansa na maaaring pagkuhanan ng murang gamot. Maraming mambabatas ang nagsabi na mabuting bansa ang India pagdating sa gamot sapagkat hindi ito tulisan tulad ng China.
Hindi kailangan limitahan ni Galvez sa China ang pagpipilian sa panggagalingan ng bakuna. Kailangan niya ng masusing pag-aaral. Sana huwag magaya sa Dengvaxia ang bakuna kontra Covid-19. Pinilit ng ilang masasamang kaluluwa na sirain ang Dengvaxia kahit walang basehan. Batid ni Galvez ang maaaring mangyari sa kanya sa sandaling magkamali siya sa pagpili.
***
ALIN ang mas matimbang, kalusugan o pulitika? Sumpa ng mga bagong halal bago pa man sila tuluyang maupo sa puwesto ay ang pangako na kanilang uunahin ang kapakanan ng kanilang nasasakupan, higit sa anupaman.
Subalit bakit mayroong mga taong walang umay sa pulitika at pinipili pa nilang pulitikahin maging ang mga bagay na lubos na makakatulong sa tao – lalo na sa mga maralita? Sa lalawigan ng Rizal matatagpuan ang bayan ng Taytay kung saan may mga politikong maagang naghahanda para sa halalan sa 2022. Sa pagnanais na mapansin, maging ang proyektong ospital ng bayan ng pamahalaang lalawigan, sinasabotahe pa.
Ang proyektong kanilang sinasabotahe ay lubhang mahalaga sa mga mamamayan ng Taytay lalo pa’t dikit-dikit na suliranin ang kinakaharap ng nasabing lokalidad – ang pesteng pandemya na sinabayan pa ng lupit ng mga bagyong nagdaan. Hindi yata alam ng isang Ytoh Valera na isang makabagong ospital para sa mga maralita ang nais ipatayo ng pamahalaang lalawigan ng Rizal bilang tugon sa lumalaking bilang ng mga nangangailangan ng kalingang pangkalusugan sa gitna ng patuloy na pananalasa ng pandemya’t iba’t ibang pangangailangang pangkalusugan.
Sa pagdalaw namin sa isang matagal ko nang kaibigan sa kapitolyo kamakailan, naka-kwentuhan ko ang hepe ng Public Information Office ng Rizal na si Tony Mateo. Sa gitna ng aming huntahan ay kinumusta ko sa kanya ang proyekto hinggil sa Rizal Provincial Hospital System – Taytay Annex. Aniya, aprubado na ni Rizal Gov. Rebecca Ynares ang proyektong magbibigay ng isang tertiary public hospital sa mga residente ng bayan ng Taytay.
Hindi pa ako nakuntento at kinailangan ko pang kunin ang mga detalyeng teknikal mula mismo sa kaibigan kong si Rizal provincial Engr. Louie Munsod, at sa kanya ko napagtanto kung gaano kalahagang matuloy ang nasabing proyekto. Gayunpaman, lubos akong nagtataka kung bakit kontra itong si G. Valera sa nasabing proyekto, gayung bukod sa malaking tulong ito sa kanyang mga kababayan, walang gagastusin dito ang lokal na pamahalaan ng Taytay.
Mas lalo akong nagduda sa kanyang motibo lalo pa’t napag-alaman kong sa ibang bansa pala siya naninirahan. Kilala ang pamilyang Valera sa pulitika sa bayan ng Taytay. Katunayan, marami-rami na ring miyembro ng kanilang political clan ang nanungkulan bilang bokal ng lalawigan, alkalde ng Taytay, konsehal at maging kapitan ng barangay.
Sa ganang amin, kung mayroong dapat matuwa sa napakalaking ospital na nais ipatayo ng pamahalaang panlalawigan, dapat sila ‘yun – lalo pa’t kaalyado nila ang nakaupong gobernador ng lalawigan. Una nang inihayag ni Gob. Ynares na itututlak nilang magkaroon ng Rizal Provincial Hospital satellite facility sa bawat bayan ng kanilang lalawigan. Sa pagsasakatuparan ng nasabing proyekto, itatayo ang bagong pasilidad sa lumang munisipyo ng Taytay sa Barangay Dolores na siyang sentro ng nasabing bayan.
Sa isang Facebook post, inilahad ni G. Valera ang kanyang panawagan ng malawakang pagtutol sa nasabing proyekto. Hinihikayat din niyang palibutan ng mga mamayan ng placard na naglalaman ng pagtutol ang palibot ng lumang munisipyo. Higit sa lahat, pinahagingan pa niya bilang taksil ang nagtutulak ng nasabing proyekto na itatayo sa lumang munisipyo.
Ipinagpipilitan niyang hindi dapat itayo ang ospital sa lumang munisipyo dahil naroon ang sentrong pangkultura ng kanilang bayan. Hindi yata batid ni G. Valera na may mga structural defects na ang nasabing gusali at ang patuloy na paggamit nito ay naglalagay sa panganib sa mga taong nagtutungo doon. Malinaw na pulitika lamang ang ugat ng pagtutol ni Ginoong Valera lalo pa’t mahugong ang balitang tatapatan ng mga Valera ang kasalukuyan namumuno sa bayan ng Taytay.
Wala kaming pakialam kung maglabu-labo pa sila sa Taytay. Ang higit na dapat pahalagahan ay ang kapakanan ng nakakarami – sila iyong mga walang kakayahang bumayad sa mga pribadong ospital sa tuwing sila’y nasa bingit ng kamatayan. Sa iyo, G. Valera at sa iyong mga trapong kasapakat — Ano ba ang mas matimbang, buhay at kalusugan ng mamamayan o ang pulitika?
***
Email:bootsfra@yahoo.com