NATITIRANG ‘LUFFY GANG’ MEMBER, ARESTADO, IPADE-DEPORT NG BI
Advertisers
Arestado at nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national, na sinasabing isa na lamang na nalalabing miyembro rin ng notorious na Luffy gang,’ at wanted sa Tokyo authorities dahil sa kasong theft and robbery.
Kinilala BI Commissioner Norman Tansingco ang puganteng dayuhan na si Nagaura Hiroki, 26. Siya ay naaresto noong Sabado sa Estrella Avenue sa Brgy. Poblacion, Makati City ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit ng BI.
Ayon kay Tansingco, ang pagkaaresto kay Hiroki ay alinsunod na rin sa kahilingan ng mga Japanese authorities sa Maynila, na siyang nagbigay ng impormasyon sa BI hinggil sa pananatili ng dayuhan dito sa Pilipinas.
Si Hiroki ay kaagad nilang ipatatapon pabalik sa Tokyo dahil taong 2022 pa nang ipag-utos ng BI ang summary deportation laban sa kanya.
“He was already placed in our immigration blacklist of undesirable aliens, thus he is perpetually barred from reentering the Philippines,” ani Tansingco.
Samantala, iniiulat ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy na si Hiroki ay nagtatago sa bansa noon pang Nobyembre 20, 2019, kung kailan siya dumating bilang turista ngunit 2022 lamang nang naimpormahan ang BI hinggil sa kanyang kaso sa Japan.
Matapos matanggap ang impormasyon ay kaagad namang nagsagawa ng manhunt operation ang BI laban kay Hiroki, gayundin sa kanyang mga kasabwat sa ‘Luffy’ scheme.
Ito umano ay may ‘standing warrant of arrest’ na inisyu ng Tokyo Summary Court sa kasong pagnanakaw na paglabag sa Japanese penal code.
“Further, he is being investigated by the Japanese authorities for his involvement in alleged telecommunications fraud activities,” ani Sy.
Si Hiroki ay kasalukuyang nakapiit sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin pa ang ‘deportation proceedings’ laban sa kanya. (JERRY S. TAN)