Advertisers
Dismayado ang National Public Transport Coalition (NPTC) at National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) sa umano’y pabagu-bagong desisyon at pahayag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz hinggil sa motorcycle (MC) taxi pilot study program ng pamahalaan.
Inakusahan ng naturang transport groups si Guadiz ng umano’y flip-flopping at lumilikha ng pagkalito at distress sa libong transport workers sa iba-ibang pahayag sa usapin ng MC Taxi service sa bansa.
Ayon kay NACTODAP President Ariel Lim, kamakailan ay inihayag ni Guadiz batay sa direktiba ni Transportation Secretary Jaime Bautista na wala ng dagdag na MC taxis na papayagan sa Metro Manila at sa halip ang anumang dagdag na MX taxis ay ilalagay na lamang sa mga rehiyon para sa improvement ng transportation services doon.
Anya, nakapagtataka kung bakit sinasabi ngayon ni Guadiz sa nagdaang media release nito na ang Technical Working Group (TWG) ay hindi nagrerekomenda ng capping ng programa para sa tatlong players sa Metro Manila sa halip ay sinabing ang TWG ay mag-eexpand pa ng programa sa pamamagitan ng pagdaragdag ng operators upang ma-evaluate ng husto ang impact ng pilot study.
“We are not against MC taxis. All we ask is for the results of this five-year pilot study to be transparently presented to all stakeholders and for a clear regulatory framework to first be established by Congress. Expanding the pilot study at this stage is unnecessary and undermines the livelihoods of tens of thousands of transport workers. The lack of a regulatory framework may also place both riders and commuters at risk,” sabi ni Lim.