Advertisers

Advertisers

EEI Corp., iwas-pusoy, SMC umamin sa obligasyon

0 598

Advertisers

HINDI pa man gumugulong ang imbestigasyon ay inamin na ng pamunuan ng San Miguel Corporation (SMC), ang project owner ng Skyway Extension sa Muntinlupa City, ang kanilang responsibilidad sa naganap na trahedya na ikinamatay ng safety officer na si Edison Paquibot ng Bacoor, Cavite.

Si Paquibot na magdiriwang sana ng kanyang ika-42 na kaarawan noong Linggo (November 22, 2020) ay inanunsyong dead on arrival sa Alabang Medical Clinic sa Muntinlupa noong Sabado ng umaga, matapos na mabagsakan ng steel girder na binubuhat ng isang crane na ginagamit ng EEI Corporation sa kanilang job site sa East Service Road, Muntinlupa City.

Ang EEI Corp. na may siyam na dekada na sa larangan ng construction and engineering industry, ang main contractor ng Php 10-billion Skyway Extension project mula Susana Heights, Muntinlupa patungong Sucat, Parañaque.



Apat na iba pa ang nadamay sa aksidente at nagtamo ng malubhang kapansanan. Ginagamot ang mga ito sa ibat-ibang ospital sa Muntinlupa City samantalang limang behikulo din ang napinsala

Agad na nagpahayag naman si Department of Labor ang Employment (DOLE) Occupational Safety and Health Center Executive Director Noel Binag na ang may-ari ng proyekto, main contractor, at sub-contractor ay pawang may pananagutan sa ilalim ng Occupational Safety and Health Act, na nagbunsod ng malagim na trahedya.

Hindi pa man halos natatapos ang kontrobersyang kinasasangkutan ng ilang opisyales at tauhan ng EEI Corporation sa pagkalat ng COVID 19 sa kanilang fabrication yard sa bayan ng Bauan, Batangas ay ito na naman ang panibagong sakit ng ulo na kinakaharap ng management ng nasabing kompanya.

Naunang naghayag ng kanilang paninindigan sina Senador Joel Villanueva at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na kapwa kumokondena sa mga responsable sa naganap na aksidente. Kapwa humiling din ang dalawang mambabatas na magkaroon ng agaran at masusing pagsisiyasat kaugnay sa insidente.

Upang hindi na maulit ang naturang kapabayaan sa panig ng project owner at mga contractor ay tama lamang na magpasimuno sina Senador Villanueva at Congressman Biazon na magkaroon ng Congressional Inquiry in Aid of Legislation sa dalawang kapulungan ng Kamara at makabuo ng panukala para maiayos ang anumang pagkukulang ng batas na naipasa na ng pamahalaan para proteksyunan ang mga manggagawa at publiko laban sa mga tiwaling project owner at kontratista.



Aminado naman sa kanilang pagkukulang ang SMC. Dito natin nahinuha ang kabutihang loob ni Ramon Ang, Presidente at COO ng SMC sa kanyang paghingi ng paumanhin sa mga naging biktima ng aksidente.

Nangako pa si Ang na masusing ipasisiyasat at di kukunsintihin ang sinumang mapatunayang may pagkakamali o pagkukulang na naging daan ng trahedya. Tiniyak din ni Ang na susuportahan ng SMC ang mga biktima.

Kung si Ang na isa sa tinitingala at pinagpipitagang business icon sa bansa ay nagawang magpakumbaba at humingi ng paumanhin sa mga biktima, ay taliwas naman ang aksyon ng pamunuan ng EEI Corporation.

Nanatili ang EEi Corp. management na tahimik, walang pag-amin sa responsibilidad, hindi rin narinig na magpakumbaba o humingi ng pang-unawa sa kanilang mga biktima.

Tulad nang magkaroon ng kontrobersya sa pagkalat ng COVID 19 sa EEI Fabrication Yard sa bayan ng Bauan, Batangas, mahigit sa isang buwan pa lamang ang nakararaan, bagamat tinukoy din ang ilang opisyales ng EEI Corporation, partikular na ang Safety, Health, Environment and Security department na reponsable sa insidente dahil sa kapabayaan na naging mitsa sa pagkahawa ng 62 empleyado sa nakamamatay na virus sa naturang kompanya, ay wala ding narinig na pahayag mula sa pamunuan ng EEI Corp.

Wala din tayong narinig na aksyon ang management ng EEI Corporation laban kay AVP for Safety, Health, Environment and Security department, Michael D. Arguelles sa kabila ng magkakasunod na kapalpakan nito na nagdulot ng malaking pinsala di lamang sa mga bikitima kundi maging sa kompanyang kanilang kinabibila-ngan.

Milyones din ang halagang magugugol ng EEI Corporation dahil lamang sa pagkukulang, kawalang muwang at kapabayaan ng ilan nitong mga tauhan at opisyales.

Kung sa ganang kay EEI President and CEO Roberto Jose L. Castillo, hindi na dapat na pagtakpan o kunsintihin pa nito si Arguelles, masyado nang garapal, malinaw ang pagkukulang at kapabayaan ng mamang ito sa kanyang tungkulin.

Malinaw din na may mga paglabag sa Safety protocols ang mga nakatalagang safety officers sa Skyway Extension Project tulad ng nakatalaga sa EEI Fabrication Yard sa Bauan, Batangas, at pawang nasa ilalim ng patnubay ang mga ito ni Arguelles.

Mahihirapan nang idepensa ni Castillo at ng mga kapwa nito top-ranking EEI officials sina Arguelles sa tindi ng mga nagawa nitong kabalbalan sa kompanya.

Huwag na sanang ipagpalit pa ng tulad ni Castillo ang napakataas na pagkilala sa kanya sa larangan ng industriya ng construction para lamang maipagsanggalang sa napakabigat na pagkakamali ang tulad lamang ni Arguelles.

Iisa-isahin natin ang mga kapalpakan ng Safety, Health, Environment and Security department ng EEI Corporation sa ilalim ni Argulles sa susunod nating mga pitak. Abangan…

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.