Advertisers
NAPAKATALAMAK na ng mga “paihi”, “patulo” o “burikian”, mga tawag sa iligal na pagbebenta ng mga nakaw na produktong petrolyo, sa mga lugar sa Batangas.
Ang mga burikiang ito ay pinatatakbo ng Bulacan-based “Violago Group” na protektado ng mga pulis at politiko sa lugar.
Sa rehiyon ng CALABARZON (Calamba-Laguna-Batangas-Quezon), labing anim (16) ang nag-o-operate ng buriki. Pinaka-organisado ang sa mag-utol na “Dondon Alahas” at “Nino”, at magkasosyong “Buloy” at isang Police Colonel.
Si Dondon Alahas, ayon sa source, ay smuggler ng petroleum products na pinalulusot sa pier ng Batangas. Malamang may timbre ito sa mga taga-Bureau of Customs at Coast Guards dyan sa Batangas kaya maluwag na nailalabas ang smuggled petroleum products.
Kung nailulusot ni Dondon Alahas ang mga truck ng smuggled petroleum products, what more ang illegal drugs na mas madaling maitago sa mga bulto ng mga kargamento?
Tinalakay natin ito para magising ang mga otoridad kung gaano na katalamak ang iligal na bentahan ng petroleum products sa CALABARZON at kung sino-sino ang mga nasa likod nito.
Ito kasi ay isang pananabotahe sa ekonomiya ng bansa. Dahil hindi sila nagbabayad ng buwis. “No bail” ang kasong ito. Bilyon bilyong piso po kasi ang pinag-uusapan dito, mga pare’t mare.
Kaya tinatawagan natin si Department of Energy Secretary Raphael Lotilla: Sir!, paaksiyunan n’yo sa pulisya ang napakatalamak nang bentahan ng smuggled petroleum products sa CALABARZON na pinatatakbo ng sindikatong “Violago Group” na sangkot din sa illegal drug trade.
Tinatawagan din natin ng pansin ang House at Senate Committee on Energy na imbestigahan ang naglipanang burikian sa CALABARZON at kung bakit dedma lang ang mga ito sa pulisya.
Imbestigahan!
***
Palalim nang palalim ang Senate investigation sa POGO (Philippine Offshore Gaming Operators). Pati raw judiciary ay pasok na rito. Araguy!
Kaya naman sinabi ng Korte Suprema na magsasagawa rin sila ng pag-iimbestiga sa alegasyong ito.
Ito’y matapos ibunyag ni Senador Win Gatchalian sa
‘Kapihan sa Senado’ forum nitong Huwebes na ang mga galamay ng POGO ay maaring nakaabot na sa mga korte sa bansa. Tsk tsk tsk…
Nabunyag ito sa operasyon ng mga otoridad sa Porac, Pampanga, kungsaan biglaang binawi ng korte ang search warrant sa pagsalakay sa POGO na inireklamo ng human trafficking at pag-torture sa mga trabahador nito.
“The information I received indicates that this POGO operation had over 1,000 agents. Yet, only abaout 140 were apprehended because someone tipped off the operators when the PAOCC filed for a search warrant,” pagbubunyag ni Gatchalian. “I suspect it’s not just the enforcement agencies; they have people in the judiciary too. If you notice, the last few arrest warrants were all issued by Bulacan courts. They seem to have eyes and ears there, knowing where to go next.”
Kung tama si Gatchalian sa kanyang tinuran, makokompromiso ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng illegal activities sa POGO na mostly ang nasa likod ay mga kriminal na Intsik.