“Kagat o kalmot ng aso o pusa, wag balewalain” – Mayor Honey
Advertisers
‘WAG balewalain ang kagat o kalmot ng aso o pusa, lalo na kung sa leeg pataas.”
Ito ang seryosong payo ni Mayor Honey Lacuna, matapos inanunsyo na dalawang bata ang namatay sa Maynila matapos mabigong maturukan ng bakuna na proteksyon laban sa rabies.
Binigyang diin ng lady mayor ang kahalagahan ng pagpapabakuna sa mga alagang aso at pusa ng anti-rabies taon-taon dahil ito ay ibinibigay ng libre kapag dinala ang mga alagang hayup sa pinakamalapit na centers o sa help desks tuwing may lingguhang “Kalinga sa Maynila” program na ginagawa sa mga barangay.
Maliban pa dito, ang bawat konsehal ng lungsod at maging mga konggresista ay may mga sariling programa na nag-aalok ng libreng anti-rabies vaccination.
“Alamin lamang ninyo ang schedule at maari din kayong magtungo sa Vitas at sa satellite office para magpabakuna ng libre,” pahayag ng alkalde.
Ang mas mahalaga kapag nakagat, ayon pa kay Lacuna, ang taong nakagat ay dapat na magpunta agad sa kahit na anong bite centers na available sa Maynila upang magpagamot na libre din naman.
“Ang pinaka-importante ay bumalik kayo sa follow-up vaccination sa takdang araw kung kelan kayo pinababalik, lalo na kung nakagat o nakalmot kayo mula leeg pataas. ‘Wag ibalewala pag nakagat kayo ng aso kahit ang inyong alaga ay may bakuna na. Mas importante na ma-prevent tayo na magkaroon ng rabies dahil once nagkaroon, dire-direcho na,” giit ni Lacuna stressed, matapos na banggitin na may dalawang bata kamakailan ang nasawi dahil ‘di kaagad nabakunahan ng anti-rabies.
“Halimbawa nakagat na kayo o nakalmot man lang, para sigurado, pabakuna kayo kaagad sa animal bite centers,” payo ng alkalde at sinabi pa nito na may walong bite centers sa Maynila, kung saan libre ang anti-rabies vaccination, maliban pa sa Sta. Ana Hospital at Ospital ng Maynila.
Ang nasabing bakuna ay sinu-supply ng Department of Health at kapag naubos na ang supply ang city government ang nagpo-provide ng bakuna na laging ready at available.
Bawat anim na distrito ng Maynila, ayon kay Lacuna ay may animal bite center, ito ay ang mga sumusunod: District 1- Dagupan and Tondo Foreshore health centers; District 2- Atang dla Rama Health Center’ District 3-San Nicolas Health Center; District 4-Earnshaw Health Center; District 5- Icasiano Health Center and District 6- Esperanza Health Center.
Ayon pa kay Lacuna, ang parehong libreng serbisyo ay makukuha rin sa loob ng Manila City Hall, ground floor, malapit sa Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA), kaya naman walang dahilan para sa sinuman na makagat o makalmot ng aso o pusa na hindi makakuha ng tamang lunas tulad ng bakuna sa anti-rabies. (ANDI GARCIA)