Advertisers
NAKAKAGULAT ang lumabas na balita na maliban sa 40 lisensyadong Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), may 40 pa pala na bagong online gaming firms ang binigyan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ng lisensya para makapag-pasugal.
Tsk! Ang tindi talaga ng PAGCOR! Utak pitsa talaga!
Habang abala ang pamahalaan para sawatain ang masamang epekto ng mga pasugal at ang kriminalidad na tulad ng dala ng mga POGO, sige naman ang PAGCOR sa pagbibigay ng lisensya para lumaganap pa ito.
Walang pakialam ang PAGCOR sa ilalim ni Chairman Alejandro H. Tengco kesehodang magkaletse-letse ang bansa, basta ang importante ay kumita sila ng limpak-limpak mula sa mga pasugal.
Nakakatawa at nakakainis pa na dahil may negatibong dating na ang POGO ay tinatawag na pala ito ngayon ng PAGCOR na internet gaming licensees o IGLs. Hehe!
Hindi ba alam ni Tengco na wala na siyang dapat ibang gawin kundi ipasara ang mga POGO?
Napakalakas na ng panawagan ng lahat halos ng sektor upang tuluyan ng ipagbawal ang operasyon ng lahat ng POGO sa bansa dahil nga sa mas maraming masamang epekto ito keysa sa kakarampot na kinikita.
Nakapagtataka kasi na kailan lang ay nagpalabas pa ng praise release itong si Tengco na ipinagtatanggol pa ang mga lisensyado kunong POGO, at aniya ay hindi raw sangkot ang mga ito sa mga krimen at iba pang kabalbalan.
Ngek! Paano siyang sigurado? Spokesman na ba siya ng mga POGO?
Di ba sabi nga ni Mayor Jaime Capil ng Porac, Pampanga ay ni hindi nga sila pinapayagan na inspeksyunin ng POGO na Lucky South 99 sa kanilang lugar, dahil sa may lisensya naman sila mula sa PAGCOR?
At tanging PAGCOR lamang ang pinapayagan nila na pumasok at mag-inspeksyon sa kanila. Pero anong nangyari? Di ba lumalabas na pugad ng kailigalan ang Lucky South 99?
Tama si Mayor Capil na may “failure of regulation” sa bahagi ng PAGCOR kaya nagkahindot-hindot ang operasyon ng Lucky South 99.
Ano ngayon ang masasabi ni Tengco dito?
Ang maipapayo ko lang kay Tengco dapat ay sibakin niya agad kung sino man ang nagpayo sa kanya na mag-isyu ng statement na iyon, na ginawa siyang parang spokesman ng mga POGO.
Sa dami ng puwedeng magsalita sa ahensya nila bakit siya pa ang lumutang? Ang dating tuloy sa publiko ay ipinagtatanggol pa niya ang mga kabulastugan sa mga POGO.
Totoo kaya? Abangan!