Advertisers
Umabot sa mahabang panahon hindi naigugupo ng milyon-milyong kasinungalingan ang isang katotohanan. Nangingibabaw ang katarungan kontra sa gawa-gawang akusasyon sa kabatiran na hindi nababaliko ang matibay na asero gaano man ang init na daanan. Maselan ang pinagdaan sa buhay ng isang dating kalihim, senadora, anak at ina ng mahawakan ng isang mapagtanim na lider na minsang nausisa ng puno ng Komisyon ng Karapatang Pantao. Tinawag ng pagkakataon na mag-krus ang landas ng dalawang tao dahil sa propesyunal na gawain. Hindi nagkita maging sa isang pamantasang pinag-aralan ngunit batid ang ngalan dahil sa mga tala ng datos bilang pagkilala sa nagtapos sa isang pamantasan. Walang kabatiran sa isa’t isa at sa trabaho o gawaing propesyunal nagkita, nag-usap at nagkatanungan hingil sa kaganapan sa lugar na pinamumunuan. Sa pagkikita, nasa maling apak ang magkabilang paa nag-uusap at tinatanong ang kaugnayan sa mga kaganapang idinulog sa opisina ng hepe ng isang opisina ng pamahalaan. At ang bangit na pagtatanong hingil sa kaganapan na may kinalaman sa paglabag sa karapatan pantao ang butil ng galit na itinanim ng puno ng isang lunsod sa kumausap na gagamitin para sa hinaharap.
Dumaan ang maraming panahon, nagkitang muli subalit mas nasa mataas na katayuan sa pamahalaan ang dating inuusisa, isa nang pangulo ng bansa. Batid ang kalakasan ng pwestong tangan, lumikha ng balag na paggagapangan ng ‘di nalimutang butil ng galit na tinanim at ipalalasap ang ganti ng minsang tinatanong sa kaganapan sa nakaraan. Sa tangang pwesto, napilit pitasin kahit bubot ang prutas na may kapaitan basta’t maipalasap sa minsang umusisa sa gawa sa pamunuan ng isang lunsod sa kaTimugan. Dahil bansa ang pinamunuan, pinagalaw ang mga alipores na may kaalaman kuno sa batas upang pitasin ang senadorang minsang naging sakit ng ulo ng laos na pangulo. Naging magaling sa agham ang oslang lider kasama ang mga koporal at umimbento ng iba’t – ibang kaso o usapin na ibinato sa senadora. Sa inimbentong mga usapin, ‘di nagampanan ang pwestong inihain ng bayan sa senadorang ‘di yumuko sa ibig ng haring bastos. Dahil hari, walang nagawa ang senadora at hinarap ang walang kasong usapin na puminsala sa pagkatao, propesyunal at personal. Subalit hindi nawala ang matikas na tindig ng senadora na kahit pinakulong at inalisan ng ilang prebilehiyo bilang halal ng bayan, nanatili ang tindig na ginawa sa nakaraan, na tama at ‘di ikokompromisa ang katotohan sa mali ng nakaraan.
Nagpatuloy ang buhay kahit sa loob ng piitan na pumigil sa pagkapinid ng katawan ngunit nanatiling matikas, malaya ang kaisipan. Patuloy ang paglalabas ng mga kalatas mula sa piitan sa mga kaganapan na maglilinaw sa kabalastugan ng walang alam na pamahalaan. Hindi isinuko ang tama at hinarap ang mga usaping bayan at ang usaping pansarili upang ipakita na katawan lang napiit ngunit nanatiling malaya ang diwa sa pagpapahayag ng kagalingan ng bayan. Dahil hindi nagawang pahinain ang paninindigan sa katarungan ‘di nagdalawang isip ang katungaling haring mangmang na patagalin ang mga usaping legal hinaharap ng senadora upang magtagal ito sa piitan. Walang pagdududa na paniniil ang gawa upang mapahina ang loob at sakaling mag-iba ng ihip at magbago ng tindig. Maaring may ilang pagkakataon na ibig ng bumigay, ngunit nanatili ang paniniwala na ang tindig sa tama ang mananaig sa dulo ng mga usaping kinahaharap. At unti-unting nagka-ilaw ng katotohan sa pagbawi ng ilang testigo laban sa senadora. Lumaki ang liwanag at nagsunuran ang ibang pinilit na testigo na lumagda sa sinumpaang sanaysay.
Anim hangang pitong taon ng maraming pagsubok ang nalagpasan na halos kumitil sa buhay ng senadora. At paniniwala sa katotohanan ang sinandigan hangang maabot at kamtan ang kalayaan. Kalayaan na nagpapakita na tama ang tindig dahil sa gawa – gawang usapin o mga kasong ‘di makatayo sa gitna ng sila ang batas sa bansa. Batas na nakasandig sa paghihiganti at pansariling layon upang makapanduhagi ng kapwa. O’ sadyang binalewala ang batas dahil sa pwestong tangan. At ang batas na batid na sila ang nagpapaganap bilang pulis, taga-usig, taga hatol at higit ang ilagay sa sariling kamay ang ibig sino man ang tamaan. Ang lupit na sana’y nahungkat ng ‘di naging pangulo ng bansa.
Sa huling pagdinig ng usapin ng malayang senadora walang pagdududa na walang sala ang inakusahan at inosente sa mga usaping inihain. Ang kawalan ng kasalanan ang malinaw at ‘di dapat sinapit ang kawalan ng hustisya dahil sa ibig ng haring mangmang. Sa senadora, ang maling paglalatag ng kaso o usapin ang gawing sandigan sa kinabukasan at huwag isantabi ang karanasang sinapit sa malupit na lider ng nakaraan. Ang pagbubuhol-buhol ng kasinungalingan, ang pangigipit sa mga bulaang saksi at kung anu – ano ang pinaka malupit na ginawa ng isang halal ng bayan sa kapwa, pakiusap huwag limutin at tayuan sa hinaharap. Ang mga nawalang buhay sa maling laban sa droga ang maliwanag na basehan na may utang itong dugo sa bayan. At sa karanasang sinapit, ang tumayo’t magharap ng kaso laban kay Totoy Osla at mga alipores ang inaasahan sa lalong madaling panahon.
Sa pamahalaan at sa senadora, paharapin sa hustisyang may patas na katarungan at pasubalian ang gawang mali sa nakaraan. Hindi lalabagin ang karapatan tulad ng gawa sa nakaraan subalit siguruhin na makakamtan ang hustisyang hanap na ‘di nakamtan sa nakaraang pamahalaan. Ipakita na walang tinititigan ang nakapiring na hustisya sa pagharap sa kasong ihahain kontra kay Osla at mga koporal nito. Balikan ang nakaraan na ang kalayaang nakamtan ang patunay na umiiral ang hustisya sa bansa. Ang paharapin ang Kawan ng Mangmang ng kaTimugan ang gawin para sa bayan higit sa mga biktima ng patayan ng laban sa droga (EJK) at kay Sen. D5. Ibigay ang patas na pagdinig at mabilis na hatol ang gawin. Batid ang kalalabasan ng patas na pagdinig, ang katarungan na hinahanap ng kamag-anak ng biktima ng EJK.
Kay Sen. D5, huwag alisin sa iyong pandama ang nakaraan na halos kumitil sa buhay na iyong iniingatan. Huwag limutin na ang nakamtang katarungan ay bahagi ng pagsubok na nalagpasan dahil sa kabatiran sa katotohanan. Subalit at ang inaasahan na babalikan ang karanasan na puno ng karahasan at pananagutin ang mga taong gumawa ng kalapastangan bilang senador, kalihim, ina at anak sa ngalan ng katarungan. Sa pagbabalik sa mga taong umaalipusta higit sa Kawan ng Mangmang, iisa ang ibig, panagutin at kasuhan ng ‘di pamarisan higit ang mga sakim ng kaTimugan. Muli, balikan, panagutin at ituwid ang nakaraan ng hindi pamarisan..
Maraming Salamat po!!!!