Advertisers

Advertisers

AKSYON VS. PROTEKTOR NG ILIGAL!

0 1,056

Advertisers

AMINADO ang matataas na opisyales ng Philippine National Police (PNP) na malaki ang kinalaman ng mga elected government official at iba pa sa di masugpo-sugpong illegal activities sa mga rehiyon, siyudad, munisipalidad hanggang barangay.

Kung walang basbas ang mga government official tulad ng mga gobernador at mayor ay walang operasyon ng anumang uri ng ilegal na aktibidad tulad ng siniyasat kamakailan ng komitiba sa Kamara na pinamunuan ni Laguna Representative Dan Fernandez kaugnay ng Small Town Lottery (STL) bookies sa CALABARZON na iniulat na may pinaka talamak na operasyon ng naturang ilegal na sugal.

“Ipapipitpit ko ang bayag ko, hindi tatagal ng ilang buwan ang anumang uri ng ilegal kung walang alam ang local government unit”, ang pahayag nang noon ay Criminal Investigation and Detection Group Director MGen. Romeo Caramat Jr. Dahil sa lakas ng loob at determinasyon na tumulong sa pagbaka sa laganap na illegal gambling activities ay umani ng papuri ang tapat sa tungkulin na heneral mula sa mga mamamayan ngunit naging mainit naman ito sa mata ng maraming local executives at iba pang government official na protektor ng mga ilegalista. Dahil sa matapang na pagbubunyag ni MGen. Caramat Jr. ay hindi ito nagtagal at napalitan sa kanyang pwesto at hindi din naitalagang PNP Chief na papalit sa noon ay magreretirong si PDGen. Rodolfo Azurin Jr.



Kung mapapasalang muli sa isang congressional inquiry si MGen. Caramat Jr. at tatanungin tungkol sa laganap na smuggling at buriki operation sa CALABARZON, Region 3 at Metro Manila ay tiyak na hindi din ito mangingiming ibunyag ang katotohanan na may kinalaman ang mga government official sa di masupil na operasyon ng smuggling at buriki king na si Dondon Alahas, buriki operator ng magkalaguyong Batangas Vice-mayor at kasosyong mag-utol na Lando at Gerome ng Quezon Province na ang burikian ay nasa bayan ni Taal Mayor Fulgencio “Pong” Mercado at ng Duterte Die Hard Supporter (DDS) na PNP colonel at katiwala nitong fake na police Sgt. Buloy, na may burikian sa Batangas City Pier, Brgy. Sta. Clara.

Si Alahas ay garapalang nakakapagpa-diskarga ng di ibinubuwis na petroleum product sa Batangas City Pier, malapit lamang sa tanggapan ni Bureau of Customs District Collector Atty. Ma. Rhea M. Gregorio at sa mga dalampasigan ng San Juan, Batangas at Sariaya, Quezon. May burikian si Alahas sa likod lamang ng bahay ni Brgy. Aguila Chairman Felix Gutierrez sa bayan ni San Jose, Batangas Mayor Bien Patron. Mahirap pasubalian na sa loob ng tatlong taon na smuggling at buriki operation ni Alahas ay wala pang kaalam-alam si Mayor Patron?

Hayag na hayag sa mga karatig na bayan ng Taal ang katiwalian ng magsyota na vice- mayor na kapwa may legal na asawa ay pinagbuklod sa pag-ooperate ng burikian sa hurisdiksyon nina Taal Mayor Mercado at Police Chief Rommel Magno upang makailak ng milyones na election fund para sa kanilang kandidatura sa darating na May 2025 election.

Dahil sa kanilang garapalang pagmamantine ng burikian ay basura ang turing sa kanila ng mga mamamayan ng San Nicolas, Sta. Teresita, San Luis, Taal, Lemery, Calaca, Balayan at iba pang mga karatig na munisipalidad.

Naghahangad ang mag-lover na tumakbo sa mas mataas na posisyon kaya mahigpit ang pangangailangan nila ng malaking pondo kahit na nga manggaling pa ang salapi sa “bunganga ng ahas”.



Nadadamay tuloy ang Batangas Vice-Mayors League na pinamumunuan ng Batangas gubernatorial aspirant na si Mataas na Kahoy Vice-Mayor Jay Manalo Ilagan sa “mortal sin” ng magkalaguyong vice mayor.

Suhestiyon natin kay BVML President Ilagan ay kastiguhin nito ang imoral at ma-anomalya nilang miyembro upang hindi naman madamay ang ibang mga bise-alkalde na naglilingkod ng tapat sa kanilang mga constituent.

Ang mag-amo namang PNP colonel at ang hitman nitong si Sgt. Buloy ay nagpapatakbo ng buriki simula pa noong 2019 sa lote ng Intsik na si Tan malapit sa main gate ng Batangas City Pier, ilang metro lamang ang distansya sa Fifth Coast Guard District Headquarter. Sila din ang ang nagpapatakbo ng operasyon ng higit sa 500 colorum van sa illegal terminal sa parking area ng Batangas City Pier compound katabi lamang ng tanggapan ng BOC.

Hindi bababa sa Php 200K ang payola sa ilang mga police chief ng mga siyudad at bayan na may kuta ang mga naturang ilegalista, samantalang daang libo hanggang milyones naman ang tinatanggap ng ilang provincial director at mas mataas pang mga opisyales ng PNP?

Hindi na nakapagtatakang maliban sa ilang mga opisyales ng PNP, NBI, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay mas namamantikaan ang mga nguso ng ilang mga Provincial government official. Kailangan umaksyon na sina DILG Secretary Benhur Abalos, PNP Chief Gen Rommel Francisco Marbil at Region 4A PNP Director Paul Kenneth Lucas! May karugtong.

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144