Impormasyon sa fire prevention, ipakalat – Mayor Lacuna
Advertisers
NANAWAGAN si Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga barangay authorities na ipakalat ang impormasyon tungkol sa fire prevention. Ito ay kaugnay na rin ng ilang insidente ng sunog na naminsala sa lungsod kamakailan.
Ginawa ni Lacuna ang apela matapos na pangunahan nila ni Vice Mayor Yul Servo, kasama si social welfare deparment head Re Fugoso, ang distribusyon ng financial assistance sa may kabuuang 203 pamilya na biktima ng sunog kamakailan.
Sinabi ng alkalde na mayroong pitong sunog na naganap sa Maynila mula June 13 hanggang 24, 2024 at ito ay sa loob lamang ng 11 araw.
Sa nasabing bilang, lima dito ang naganap sa first district ng Tondo at isa naman sa Districts 2 at 4.
Binigyan ni Lacuna ng financial assistance ang may 203 pamilya kung saan nakatanggap ito ng P10,000 bawat isa.
Pitong unattached individuals naman ang tumanggap ng P3,000 bawat isa.
Samantala nabatid naman kay Fugoso na ang kabuuang halaga ng assistance na naipamahagi ay mahigit P2 million.
Sinabi ni Lacuna sa mga residente na hindi man kalakihan ang halaga ng kanilang naipamigay, ito naman ang munting paraan ng pamahalaang lungsod ng pagtulong sa kanila para makapagsimula silang muli at upang ipadama rin sa kanila na naririyan lamang ang lokal na pamahalaan sa panahon ng kanilang pangangailangan.
Hiniling ng alkalde sa mga barangay officials lalo na sa matataong lugar na ipaalam sa kanilang nasasakupan ang mga sanhi ng sunog at kung paano ito maiiwasan. (ANDI GARCIA)